Kapuwa pinataob ng Gilas Pilipinas men at Gilas Women, ang kanilang mga nakatunggali sa semifinals ng basketball na parehong koponan ng Indonesia sa 2025 Southeast Asian Games na ginaganap sa Thailand ngayong Huwebes.

Come-from-behind ang panalo ng Gilas Pilipinas sa iskor na 71-68 laban sa team Indonesia sa men’s basketball tournament upang makapasok sa finals, at pag-asang makasungkit ng gold medal.

Kumamada si Thirdy Ravena ng 16 points, six boards, two assists, at one steal. Nag-ambag naman si Jamie Malonzo ng 13 puntos. Habang si Ray Parks, umipon ng 12 puntos, pitong rebounds, dalawang steals, isang assist, at one block.

Kakaharapin ng Pilipinas sa finals ang koponan na mananalo sa salpukan ng Thailand at Malaysia.

Samantala, nagawang makabawi at mapatalsik ng Gilas Women ang depending champ na Indonesia sa women’s basketball, matapos nila itong talunin sa semifinals sa iskor na 66-55.

Ito na ang ikaapat na pagtapak ng Gilas Women sa finals sa SEA Games.

Noong 2023, nabigo ang Gilas Women na maging kampeon matapos silang talunin ng Indonesia sa finals.

Makakaharap naman ng Gilas Women sa finals ang mananalo sa laban ng Thailand at Malaysia sa semifanals. — Justin Kenneth Carandang/FRJ GMA Integrated News