Isang nakaparadang tricycle ang tinangay ng isang lalaki sa Barangay Holy Spirit, Quezon City. Ang suspek, patuloy na tinutugis.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang tricycle na nakaparada sa Sta. Catalina Street nang isang lalaki ang lumapit dito, bago niya ito iniatras at itinulak.
Nakita sa iba pang anggulo ng CCTV na ilang saglit pa, minamaneho na ng lalaki ang tricycle.
Isang oras bago niya ito tangayin, nakunan sa CCTV ang lalaki na naglalakad na tila humahanap ng tiyempo. May bitbit pa siyang plastic sa kaliwang kamay.
Huling nakita ang lalaki na binabagtas ang Commonwealth Avenue gamit ang tricycle.
Sinabi ng tricycle driver na si Ryan Mahaguay na naganap ang pagnanakaw sa labas ng bahay ng kaniyang kapatid. Bandang 7 a.m. na nang matuklasan niyang wala na ang tricycle.
"Lasing na po kasi ako noon eh. Eh diyan ko po pinarada. Pero kadalasan po pinaparada ko rin po diyan. Nasa akin po ‘yung susi noon, nandiyan po sa bahay,” sabi ni Mahaguay.
Pinapasada lamang ni Mahaguay ang tricycle at naghuhulog siya ng boundary sa may-ari nito.
“Sana ibalik na lang niya ‘yung tricycle, iwan niya lang kung saan man niya iwan para matagpuan po namin. Kasi mahalaga po sa amin ‘yun, panghanapbuhay po kasi namin ‘yun,” sabi ni Mahaguay.
Naiulat na ang insidente sa Holy Spirit Police Station, na nagsasagawa pa ng follow-up operation.
“Patuloy pa rin ang pagko-conduct natin ng backtracking at forward tracking at pagre-review po ng CCTV footage para malaman po ‘yung pagkakakilanlan nu’ng salarin. May posibilidad po na dayo itong salarin sapagkat hindi po ito kilala ng mga taga-rito,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jefry Gamboa, commander ng Holy Spirit Police Station. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
