Itinaas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa Albay matapos makakita ng “uson” o pyroclastic density currents (PDC), ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Martes.
Ayon sa PHIVOLCS ang Alert Level 3 ay nangangahulugan ng “increased tendency towards a hazardous eruption.”
“Pyroclastic density currents or PDCs on the Bonga (southeast) Gully began generating at 12:26 PM today from the collapse of newly extruded lava. The PDCs lasted at least three minutes based on the seismic record and emplaced within two kilometers of the summit crater,” sabi pa ng ahensiya.
Sa Alert Level 3, nangangahulugang na ang bulkan ay:
- May mataas na antas ng pag-alboroto
- Seismic swarms, kabilang ang karagdagang paglitaw ng mga low-frequency na lindol at/o harmonic tremor
- Biglaan o pagbilis ng mga pagbabago sa temperatura, mga pagbula, o pagbuga ng radon gas o crater lake pH
- Maaaring may kasamang pagyanig ang pag-umbok ng istruktura nito at mga pagbibitak
- Kung magpapatuloy ang mga indikasyon, nagbabala ang PHIVOLCS ng isang mapanganib na pagsabog sa loob ng ilang araw o linggo.
Ngayong nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, nagbabala ang PHIVOLCS na maaari itong magpakita ng “magmatic eruption of a summit lava dome, with increased chances of lava flows and hazardous PDCs or uson affecting the upper to middle slopes of the volcano and of potential explosive activity within days or weeks.”
Sa ilalim ng Alert Level 3, inirerekomenda ang paglikas mula sa 6-km radius na Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib na dulot ng mga PDC, daloy ng lava, pagbagsak ng mga bato, at iba pang panganib mula sa bulkan.
Dapat ding payuhan ng mga awtoridad sa civil aviation ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil maaaring magdulot ng panganib sa mga sasakyang panghimpapawid ang abo galing sa anumang biglaang pagsabog nito, dagdag pa ng PHIVOLCS.
Sinabi ng mga state seismologist na 85 na pagbagsak ng mga bato ang naitala sa bulkan sa nakalipas na 24 na oras, mula 12 a.m. ng Lunes, Enero 5 hanggang 12 a.m. ng Enero 6.— Vince Angelo Ferreras/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
