Matapos matalo sa unang set, bumawi at tuluyang nilampaso ni Alex Eala ang katunggaling Olympian na si Donna Vekic sa iskor na 4-6, 6-4, 6-4 sa kanilang laban sa 2026 ASB Classic Round of 32 nitong Martes sa Auckland, New Zealand.

Nalampasan ng 20-anyos na Pinay tennis star ang hamon ni Vekic ng Croatia, na nagwagi ng silver medal sa 2024 Paris Olympics, upang umusad sa Round of 16, at makakatapat niya ang isa pang Croatian na si Petra Marcinko.

Tila hindi ramdam ni Eala na malayo siya sa Pilipinas dahil sa malakas na sigawan at suporta ng mga Pilipinong nanood sa halos tatlong oras na matinding laban.

"It's so special and if there's one thing I've learned in 2025, it's that home is a people and not a place so thank you, everyone. Maraming salamat," saad ni Eala, na nagkaroon ng isyung medikal sa final set.

Mabilis na bumanat si Eala sa simula pa lamang ng laban at nagtala ng 3-0 abante kontra sa world no. 69 na si Vekic. Ngunit bumawi ang Croatian at nanalo ng anim sa sumunod na pitong laro upang makuha ang unang set.

Muling umarangkada si Eala sa ikalawang set at nakakuha ng mahalagang 5-3 na kalamangan. Ngunit ipinakita ni Vekic ang kaniyang beteranong galaw at nakuha ang kasunod na laro. Hindi naman nagpatinag si Eala na nagbitaw ng matinding palo sa sumunod na laro upang itulak ang laban sa isang deciding third set.

Sandali rin siyang lumabas ng court para sa medical timeout.

Nakakuha si Vekic, 29, ng kaniyang unang break point sa ikawalong laro, ngunit nakuha ni Eala ang sumunod na dalawang puntos upang masiguro ang kritikal na 5-3 kalamangan at mailapit ang sarili sa panalo.

Nagkaroon ng kaba sa mga manonood nang makagawa si Eala ng magkasunod na pagkakamali, kabilang ang isang double fault, na nagbigay-daan kay Vekic na makuha ang susunod na laro. Pero hawak pa rin ni Eala ang kalamangan sa iskor na 5-4.

Ngunit hindi na hinayaan ni Eala na makabawi pa si Vekic, at itinala na ang panalo sa sunod na laro.

"She's such an experienced player and super talented and definitely decorated so I really had a tough time today. But I'm most happy about being able to compete and show up at a level like this," ayon kay Eala.

Nitong Lunes, nanalo rin si Eala at ka-partner niya si Iva Jovic sa iskor na 7-6 (7), 6-1, laban kina Venus Williams at Elina Svitolina sa Round of 16 ng women's doubles tournament.— Bea Micaller/FRJ GMA Integrated News