Inilahad ni Deo Balbuena, na mas kilala bilang si Diwata, ang aral na natutuhan niya kasunod ng pagsasara ng mga sangay ng kaniyang paresan. May mensahe rin siya sa kaniyang mga supporter at bashers.

“Ang hindi ko makakalimutan na lesson na nangyari at natutuhan ko, ang hirap magtiwala talaga sa isang tao na hindi mo kakilala. Kahit ano pa ‘yung hitsura niya, basta ang hirap magtiwala. Sa panahon ngayon, base ito sa mga karanasan ko, mahirap magtiwala sa isang tao na hindi mo talaga kilala,” sabi ni Diwata sa kaniyang guesting sa GMA show na “Unang Hirit” nitong Miyerkoles.

Sinabi ni Diwata na nagsara na ang kaniyang branches sa Quezon City, Pampanga, Laguna at Caloocan.

Gayunman, sinabi ni Diwata na nakapagpundar siya ng kaniyang bahay.

Sinusubukan ni Diwata ngayon na makabangon at nagbebenta ulit ng pares gamit ang bago niyang cart.

“Tapos, nag-start ulit ako ng panibago. Kaya meron akong cart ngayon na bago lang din para meron akong pangkabuhayan para tuloy pa rin ang buhay. Laban lang nang laban,” sabi ni Diwata.

May mensahe naman siya sa kaniyang supporters, pati na rin sa mga basher.

“Sa lahat ng supporters ko na nandiyan pa rin hanggang ngayon, maraming salamat sa inyo. Sa mga bashers naman, wala akong pakialam,” sabi niya.

“Kasi unang una, bakit niyo ba ako bina-bash? Wala naman akong ginagawang masama.
Naghahanapbuhay ako, nakakatulong pa nga ako,” pagpapatuloy ni Diwata.

Ayon kay Diwata, mainam nang naghahanapbuhay kaysa ang humusga ng ibang tao.

“Ang iniisip ko lagi, sino ba mas masama sa atin? Ako na naghahanapbuhay, na maraming natutulungan? O ikaw na nandiyan lang, hindi naman kita kilala, para husgahan ako? Sino mas masama sa ating dalawa?” aniya.

Dagdag pa niya, wala siyang tinatapakang tao, at lumalaban siya nang patas sa buhay.—FRJ GMA Integrated News