Nagreklamo ang ilang taga-Mandaluyong na kulang sa timbang ang dapat sanang 10 kilo ng bigas na kanilang natanggap sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” program ng gobyerno. May nakapansin na butas ang ilang sako, at blacklisted na sa lokal na pamahalaan ng Mandaluyong ang supplier ng bigas.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GTV News Balitanghali nitong Martes, makikita ang ilang larawan sa social media nitong weekend ng mga bigas na nauna nang ipinamahagi sa Mandaluyong sa ilalim ng programa.

Nang timbangin ng mga residente ang mga bigas, mayroon sa mga ito na tumimbang lang ng walong kilo at siyam na kilo. Gayunman, nakasaad sa selyadong sako nito na 10 kilo ang dapat na bigat ng bigas.

Isang 72-anyos na ginang mula sa Barangay Highway Hills ang natuklasang kulang ng dalawang kilo matapos ipatimbang sa kaniyang mga kapitbahay.

“Hindi naman namin iniisip na kulang ‘yon,” sabi niya.

Isa pang kapwa senior citizen ang umalma sa nangyari.

“Maliit talaga. Dapat sakto,” sabi niya.

Paliwanag ng mga taga-barangay, ibinabagsak sa kanila ang mga bigas na nakasako na at selyado mula sa City Hall.

“‘Yung sako niya, may butas. 'yung may mga butas sa sako, ‘yan po 'yung kulang sa timbang. Malamang, ito na yun. Kaya nga tayo nagtataka, ba't lumalabas na 9 kilos lang eh? Kasi ang nakalagay talaga sa sako niya, 10 kilos,” sabi ni Kagawad Jun Aguilar ng Barangay Highway Hills, Mandaluyong.

“I'm very sorry that this has happened, pero alam niyo naman, there's no perfect project. Nakakasama lang ng loob na maski na gaano kaganda ang proyekto, ay sinasabutahe ng mga ibang tao,” sabi ni Kapitan Ma. Corazon Abalos ng Barangay Highway Hills, Mandaluyong.

Isang national program ng administrasyong Marcos ang “Bawat Bayan Makikinabang,” na layong palakasin ang mga local government unit at magdala ng direktang suporta ng gobyerno sa mga mahihirap at mga nangangailangan.

Ginagawa rin sa iba pang barangay sa buong bansa ang pamamahagi ng mga bigas.

Si First Lady Liza Araneta Marcos mismo ang namahagi ng bigas sa isang barangay sa Mandaluyong din.

“Hindi po ito na nanaisin ng Pangulo. Kung ano ang dapat na ibigay sa taong bayan, dapat ibigay,” sabi ni Usec. Claire Castro, Palace Press Officer.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang Palasyo sa Mandaluyong City Hall, sa nangyari na nakakaalarma umano.

“So ang action po ng supplier, ang pangako ay papalitan nang buo na 10 kilos ang sako na nakakuha ng 8 kilos. Bibigyan ng additional na 10 kilos na bigas. At hindi na babawiin ang una nang ibinigay na mga 8 kilos lang,” sabi ni Castro.

Ayon naman sa City Hall na namamahala sa pagkuha ng supplier na hindi pinangalanan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na hindi lalampas sa 50 sa 29,500 na sako ng bigas ang nabawasan.

Sinisisi umano ng supplier ng bigas ang kanilang driver at pahinante.

“Umamin 'yung isa sa driver o 'yung pahinante. Talagang tinanggal niya na 'yung driver at 'yung pahinante. And then, sabi niya sa akin, whatever problem daw, ipasa ko sa kaniya Kumbaga papalitan niya or magdadagdag siya,” sabi ni Mayor Menchie Abalos.

Gayunman, hindi umano iyon sapat, ayon sa alkalde.

“Hindi enough ‘yan na basta mo lang mapapalitan, sorry na lang. Kailangan ka managot kasi hindi po puwedeng kami lang lahat ang sasagot,” sabi ni Abalos.

Blacklisted na sa kasalukuyan ang nasabing supplier sa City Hall, na hindi makunan ng panig ng GMA News dahil hindi pinangalanan ng City Hall.

“Ang LGU po ay nagdesisyon na i-blacklist ang supplier at may sinasagawa na rin po silang pag-iimbestiga patungkol dito,” sabi ni Castro.



Samantala sa Malabon, namimigay ng tig-10K bigas sa “Bawat Bayan Makikinabang” ng pamahalaan.

Pinangunahan ito ni First Lady Liza Marcos, kung saan 3,000 benepisaryo ang nakatanggap ng bigas.

Naroon din si Malabon Mayor Jeannie Sandoval at Metro Manila Council President at San Juan Mayor Francis Zamora.

Iba’t ibang lungsod sa Metro Manila ang pinamahagian ng bigas.– Jamil Santos/FRJ GMA News