Tinatayang P3.4 milyong halaga ng pera, cellphone, at mga alahas ang natangay sa isang bahay sa Marikina nitong Lunes matapos pasukin ng walong kalalakihan na nagpakilalang pulis, tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Special Weapons and Tactics (SWAT).

Naaresto ng mga pulis ang lima sa mga suspek na miyembro umano ng Gapos Gang habang nakatakas ang tatlo, kabilang ang itinuturong mastermind.

Sa kuha ng CCTV, lumabas ang tatlong lalaki mula sa nakaparadang itim na van sa bahagi ng Marcos Highway sa Marikina pasado alas-12 ng madaling araw nitong Lunes.

Dumating ang isa pang kotse na sinakyan ng tatlong lalaki. Makikita ring lumabas ng parking area ang van kasunod ang kotse na sinakyan ng mga lalaki.

Pasado ala-una ng madaling araw nang makarating sila sa Barangay Concepcion Dos.

Hindi na nakunan sa CCTV nang magtakip ng mukha ang mga lalaki at pumasok sa bahay ng isang negosyante bitbit ang pekeng search warrant.

“Nung pinapakita nila 'yung dokumento na search warrant, nagpakilala sila bilang pulis, NBI, saka SWAT. Pagpasok nila agad-agad nilang pinutol 'yung kawad ng WiFi na nagkokonekta sa CCTV nung bahay at ginapos 'yung mga nandun sa loob ng bahay,” ayon kay Police Brig. Gen. Melecio Buslig Jr., director ng Eastern Police District.

Ginapos ng mga suspek ang walong biktima sa loob ng bahay gamit ang cable ties at tinutukan ng baril.

Puwersahan rin umanong pinabuksan ang isang vault na naglalaman ng P300,000.

Sapilitan din umanong pinag-send ng pera ang isa sa mga biktima gamit ang kaniyang online wallet.

Nang makatiyempo, nakahingi ng saklolo sa pulisya ang isa sa mga biktima gamit ang cell phone.

“Pagdating po namin sa area, on progress 'yung robbery. Then after split second lang, palabas na sila,” ayon kay Police Chief Master Sergeant Rolando Cornejo, shift supervisor ng Marikina Police Sub Station 8.

Tinangka pa raw gamitin ng mga suspek ang sasakyan ng pamilya ng biktima.

“Nung pag-introduce namin as police, instead na huminto, magpakilala, agad silang tumakbo, “May pulis!” kaya nag-isip kaagad ako na hindi legitimate operation 'yun," dagdag ni Cornejo.

Nakipaghabulan pa ang mga suspek sa pulisya.

Nakumpiska sa sa mga naaresto ang ginamit na cable cutter, cable ties, duct tape, limang cell phone, isang mamahaling relo, apat na sumpak, isang .9mm na kalibre ng baril, at mga ginamit nilang bonnet pantakip ng mukha.

Natangay naman daw ng tatlong nakatakas na suspek ang vault na may pera, mga alahas, at cellphone.

Wala pang pahayag sa media ang mga naarestong suspek na nakakulong sa Marikina Police custodial facility.

Samantala, sinabi nila sa pulisya na Hulyo 8 sila nagtungo sa Marikina mula Nueva Ecija para manmanan ang target nilang nakawang bahay.

“Sabi nga po nila is parang extra income. Sabi nila is mag-ano lang sila, mag-back up. Dahil pag naging successful na, mahuli 'yung ating huhulihin, meron silang kaagad na bayad na P20,000 each. Kaya naman sumama daw sila,” ayon kay Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police.

Sasampahan ang mga suspek ng reklamong robbery with violence against or intimidation of persons, usurpation of authority, slight illegal detention, falsification of public documents, at illegal possession of firearms and ammunition. —AOL GMA News