Apat na katao ang nasawi, habang lima naman ang nasugatan sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng pamamaril na naganap sa loob ng dalawang araw sa Cotabato City.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing ng pulisya na dalawang lalaki na parehong edad 40, ang nasawi matapos pagbabarilin sa Barangay Rosary Heights 11, dakong 3 a.m. noong Sabado.

Dalawang babaeng sakay din ng motorsiklo ang nasugatan din matapos tamaan ng ligaw na bala nang mapadaan sila sa lugar. Dinala rin sila sa pagamutan.

Ayon sa pulisya, M16 rifle at 9mm na baril ang ginamit ng mga salarin sa pagbaril sa mga biktima.

Dalawang persons of interest ang natukoy ng mga awtoridad.

Bago magtanghali ng araw ding iyon, isang civil engineer ang binaril at napatay sa Barangay Rosary Heights 10 dakong 11:20 am.

Isinugod sa ospital ang 39-anyos na biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Sugatan naman ang kaniyang 16-anyos na kasamahan na dinala rin sa ospital.

Ayon sa Cotabato City Police, pauwi na ang mga biktima nang sundan umano sila ng mga suspek na sakay ng motorsiklo at pagbabarilin.

Samantala, isang 35-anyos na driver ng tricycle ang idineklarang dead on arrival sa ospital matapos tamaan ng ligaw na bala sa Barangay Poblacion 5 dakong 10:55 am noong Linggo, Hulyo 12.

Sugatan naman ang kasama ng biktima na 7-anyos na lalaki.

Batay sa imbestigasyon, dumaraan lamang ang mga biktima at nadamay nang paputukan ng suspek ang kaniyang tunay na target na isang 38-anyos na pulis.

Nasugatan din sa pag-atake ang naturang pulis, na may ranggong police corporal at nakatalaga sa Cotabato City Police.

Pinaniniwalaan ng mga awtoridad na personal na alitan ang posibleng motibo sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng pamamaril.

Nakikipag-ugnayan pa ang GMA Regional TV One Mindanao sa nakaligtas na mga biktima upang makuha ang kanilang pahayag, gayundin ang pamilya ng mga nasawi. – FRJ GMA News