Ibinahagi ni Kyline Alcantara na nawalan siya ng pera matapos mabiktima ng online scam na nagsasabing may problema umano sa kaniyang bank account.
“Meron pong email and text message na may link po. Ang nakalagay po du’n sa text message is parang may problema daw po sa aking bangko,” kuwento ni Kyline sa kaniyang nakaraang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
"So ‘Click this link’ para maayos. So I clicked it and parang napunta po sa ibang website. And then parang okay, so inalis ko na lang po siya agad,” pagpapatuloy niya.
Ngunit pagkasuri sa kaniyang bank account, dito na umano nagkaproblema.
“And then when I checked the bank app, biglang parang nabawasan 'yung pera ko. ‘Yun na po pala yun.’ Nabawasan po ang aking pera,” sabi ni Kyline.
Hindi na nagdetalye si Kyline kung magkano ito, pero sinabi niyang malaking pera ang nawala sa kaniya.
“Malaki pa rin po ‘yun. Pangkuryente ko po ‘yun eh.”
Sinabi ni Kyline na wala siyang ideya noon kung paano ang kaniyang gagawin at tila nalito na rin siya.
“Kasi I panicked also na parang, ‘Diyos ko, baka maaresto ako, meron palang problema sa bank ko, baka kung anong mangyari.”
Lesson-learned para kay Kyline ang kaniyang karanasan, na maging maingat maski kapag gumagamit ng public Wi-Fi.
“Sobrang delikado. Meron nga pong sinasabi pa nila na just be careful if you want to connect to the Wi-Fi, to the public Wi-Fi. Tapos bubuksan mo 'yung bank app mo, kasi baka puwede rin nilang pasukin ‘yun. Sobrang daming ways na po.” — Jamil Santos/VBL GMA News
