Nasawi ang isang ama, ang kaniyang asawa, at isang anak matapos silang kuryente sa kanilang bakuran sa Solano, Nueva Vizcaya. Kamakailan lang, tatlong magkakapatid sa Quezon City ang nasawi rin dahil sa katulad na insidente.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, isinalaysay ng kapatid ng lalaking biktima na isang barangay tanod, na nakita niya ang tatlo na magkakadikit sa kanilang bakuran.

Lumitaw na nagsabit umano ang padre de pamilya ng alambre pagkatapos nitong maligo. Pero dumampi ang alambre sa live wire kaya nakuryente ito.

Tinangka naman siyang sagipin ng kaniyang asawa at anak ngunit nakuryente rin sila.

Sinabi ng barangay officials na handa silang magbigay ng tulong sa mga nasawi.

Matatandaan na nasawi rin ang tatlong magkakapatid [edad 19, 15 at 12] matapos makuryente sa sampayan ng kanilang apartment sa Barangay Pinyahan noon lang Biyernes sa Quezon City.

Lumabas sa paunang inspeksiyon ng Meralco na grounded ang circuit breaker na konektado sa aircon sa apartment kaya maaaring may electrical fault sa gusali. -- Jamil Santos/FRJ GMA News