Ikinasal na ang aktres na si Bea Alonzo at negosyante niyang nobyo na si Vincent Co.

Sa social media, nagbahagi si Makati Mayor Nancy Binay ng larawan nila ni Bea na kuha sa kaniyang tanggapan sa Makati City Hall na may caption na, "Coffee w/ coffeemate."

Nilagyan din niya ito ng hashtag na #OneMoreChance.

Sa isang Facebook Reel ni Ogie Diaz, nakasaad na ikinasal ang magkasintahan sa Makati City Hall noong Lunes, Hulyo 13, dakong 7:00 pm.

Ayon kay Ogie, wala umanong kaanak na dumalo sa kasal at tanging ang mga may-ari lamang ng Secosana ang naroon sa simpleng seremonya. Kasosyo ni Bea ang naturang brand para sa kaniyang travel essentials brand na Bash.

Idinagdag ng showbiz vlogger at talent manager, na nakita niya ang larawan ng bagong kasal pati na rin ang kanilang marriage certificate.

Idinagdag din niya na may prenuptial agreement (prenup) umano sina Bea at Vincent, at hindi ito naging isyu sa kanilang relasyon.

Iniulat naman ng Abante na si Mayor Nancy Binay ang nagkasal sa dalawa, at anim na tao lamang ang dumalo sa seremonya. Ayon din sa ulat, tanggap ng pamilya ni Vincent si Bea.

Kinumpirma ni Bea ang kanyang relasyon kay Vincent noong 2025.

Noong Marso 2026, inilathala ng isang parokya sa Maynila ang kanilang wedding banns o pabatid ng nalalapit na kasal. Gayunman, wala sa kanilang dalawa ang nagkumpirma ng kanilang engagement.

Noong Mayo, kumalat ang mga usap-usapang magpapakasal sina Bea at Vincent sa Spain. May mga lumabas ding blind item na nagsasabing naantala umano ang kanilang kasal.

Lalong lumakas ang espekulasyon nang bumiyahe patungong Spain ang malapit na kaibigan ni Bea na si Dimples Romana sa panahong iyon.

Gayunpaman, sa gitna ng mga usap-usap tungkol sa kasal, nakita si Vincent sa isang business event sa Pasay City noong Mayo 14.

Samantala, nakatakdang magbalik-telebisyon si Bea sa seryeng "Whispers From Heaven," na kasabay ng kaniyang ika-25 taon sa showbiz industry. — Nika Roque/Carby Basina/FRJ GMA News