Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos mahuli sa CCTV ang pagtangay niya sa motorsiklo ng isang construction worker sa Sgt. Esguerra Street, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa video ang paglapit ng isang lalaki sa isa sa mga nakaparadang motorsiklo, saka ito sinakyan.

Ilang sandali pa, napaandar na ng lalaki ang motorsiklo at hinarurot.

Batay sa pulisya, pag-aari ng isang construction worker ang ninakaw na motorsiklo.

“Pinarada niya 'yung motor doon sa gilid and babalikan niya sana kasi mag-inspect daw siya. So nu'ng babalikan niya, naalala niya 'yung susi pala ay naiwan. At nu'ng binalikan niya 'yung motor, wala na 'yung motor doon sa area,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Aljun Belista, Commander ng Kamuning Police Station.

Nadakip ang 22-anyos na suspek sa follow-up operation ng pulisya sa Rodriguez, Rizal. Mismong kaniyang mga kamag-anak ang nagsuko sa kaniya.

“Malaking tulong 'yung CCTV. Simula doon sa area hanggang sa nakapunta kami sa Barangay Tatalon. And doon niya kasi parang may binigay na o may hiniram siyang helmet sa area na ‘yon. So nagtanong-tanong kami, nakilala namin 'yung relatives niya,” sabi ni Belista.

Gayunman, hindi nabawi sa suspek ang ninakaw na motor na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Umamin ang suspek sa krimen.

“Ginawa ko po. Kasi po sadyang pangangailangan lang din po namin eh. Sa Montalban po (dinala ang motorsiklo). Kausap na po nila ‘yung pinagbentahan ng motor. [Naibenta sa halagang] P14,000 po,” sabi ng suspek.

Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act. —Jamil Santos/VBL GMA News