Nasawi ang dalawang motorista matapos silang mabangga ng isang pickup na umano'y nawalan ng kontrol sa Bingawan, Iloilo.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nawalan umano ng kontrol ang driver ng pickup sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Poblacion.

Kalaunan, napunta ang driver sa kabilang lane at nabangga ang kasalubong na tricycle at motorsiklo.

Mapanonood sa kuha ng CCTV ang pagkaladkad ng pickup sa motorsiklo na sinasakyan ng isa sa mga biktima.

Idineklarang dead on arrival ang rider sa ospital, habang namatay din kalaunan sa ospital ang driver ng tricycle.

Nagtamo naman ng mga sugat ang asawa ng tricycle driver at ang angkas ng motor.

Tumakas ang driver ng pickup ngunit sumuko kalaunan. Ayon sa kaniya, kinabahan siya kaya siya tumakas.

Hinintay pa ng pulisya ang desisyon ng mga kaanak ng mga biktima kung magsasampa sila ng reklamo laban sa driver. —Jamil Santos/VBL GMA News