Sugatan ang tatlong sakay ng isang ambulansya na mabilis ang takbo matapos nitong masalpok ang isang SUV sa intersection ng Quezon Avenue at D. Tuazon Street sa Quezon City. Tumagilid ang SUV, pero hindi nasugatan ang mag-asawang senior citizen na sakay nito.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage na walang gaanong sasakyan ang dumaraan sa intersection dakong 2:00 a.m. Hanggang sa isang SUV ang dumaan na nanggaling sa D. Tuazon Street, at nasalpok ng ambulansya na mula naman sa westbound lane ng Quezon Avenue.

Tumagilid ang SUV sa lakas ng impact, habang bumangga sa center island ang ambulansya.

Sa isa pang kuha ng CCTV camera, makikitang nakahinto na ang traffic light sa westbound lane ng Quezon Avenue pero dire-diretso pa rin ang ambulansya na mabilis ang takbo.

Wasak ang unahang bahagi at nabasag ang windshield ng ambulansya, habang napinsala rin ang driver side ng SUV.

Sugatan ang 42-anyos na driver ng ambulansya at dalawa niyang kasama, na mga ginamot ng mga rescuer.

Ayon sa driver ng ambulansya, pauwi na sila sa Cavite makaraang maghatid ng pasyente sa isang ospital sa Quezon City.

“Medyo mabilis ang pangyayari kasi, kasi bigla na lang siyang sumulpot. Hindi na rin kinaya ng preno namin. Parang nablangko na rin kasi kami. Hindi namin napansin kung naka-stop ba o naka-go,” sabi ng driver ng ambulansiya.

Hindi naman nasugatan ang mag-asawang senior citizen na sakay ng tumagilid ng SUV.

Patungo na sila sa trabaho sa Cubao nang maganap ang aksidente.

“Hindi siya nakasirena, hindi ko in-expect na dire-diretso siya. Sa tulin niya, tumatakbo siguro siya ng sabihin natin 60 (kph). Binangga niya kami nang hindi namin inaasahan kasi stop siya eh,” sabi ng driver ng SUV.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng QCPD Traffic Sector 1.

Umabot ng mahigit isang oras bago tuluyang naalis ang mga sasakyan na naaksidente dito sa lugar. – Jamil Santos/FRJ GMA News