Inihayag ng dating kongresista na si Mike Defensor na handa niyang harapin ang reklamong isasampa laban sa kaniya ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano'y pagkakasangkot niya sa human trafficking.

“Haharapin ko. At ako, naniniwala, ako wala siyang kakaso-kaso,” sabi ni Defensor sa ambush interview patungkol kay NBI Director Melvin Matibag.

“Sinasabi nila human trafficking as if isang prostitution den na tinatago mo, ginigipit ‘yung mga tao, iniipit mo. Nakita ninyo very open ‘yung area,” dagdag niya.

Matatandaang sinalakay ng mga ahente ng NBI ang Chicago KTV Bar sa Pasig City noong Abril at nailigtas ang 54 na kababaihan sa isinagawang operasyon. Pag-aari ng kompanyang Cliffpoint ang gusali na kinaroroonan ng KTV Bar.

“‘Yung Cliffpoint, ‘yon ‘yung kumpanya na may-ari nung establisyimento. So meron kang building, ikaw ‘yung may-ari, meron kang… mga lessee, mga nagrerenta ng lugar mo. Isa doon ‘yung KTV Chicago, andoon ‘yung 7/11, andoon ‘yung ibang opisina. May mga restaurants sa lugar na ‘yun,” paliwanag ni Defensor.

“Ibig sabihin pagka merong nagbenta ng shabu sa isa sa mga ‘yun [umuupa] kasama ka? Alam mo kung ano ‘yung nangyari? Notwithstanding kung ano ‘yung kaso na ipa-file nila doon sa mismong establishment ha,” tanong niya.

Nitong Huwebes, inilahad ni NBI Director Matibag ang mga pagmamay-aring bahagi (corporate shares) at mga posisyon nina Defensor at ng kaniyang asawa sa iba't ibang kompanya. Natuklasan umano ng NBI na ang mag-asawa ang nagpapatakbo sa mga sinalakay na establisimyento.

Ayon kay Matibag, si Defensor ang chairman ng Cliffpoint Development, ang kumpanyang nagpapatakbo ng Cliffpoint Square kung saan matatagpuan ang sinalakay na KTV bar. Aniya, hawak din ni Defensor ang 65% ng Pax Libera Mining, na nagmamay-ari naman ng 72.96% ng Cliffpoint.

Samantala, sinabi rin ni Matibag na ang asawa ni Defensor na si Julie ang presidente ng Cliffpoint at chairperson ng Bleu Hotel, habang ang kanilang anak ang nagsisilbing corporate secretary ng kumpanya.

Gayunman, sinabi ni Defensor na wala siyang nakikitang punto sa pahayag ni Matibag dahil magkaibang kumpanya ang Pax Libera at Cliffpoint.

“Ano punto niya doon? So kapag may isang kumpanya may-ari ng isang… ano punto niya doon? Ano ‘yung point. Hindi ko maintindihan. Alam mo, ‘yung pagkatanga niya, 'wag niya ibalik sa atin. Hindi ko maintindihan,” ani Defensor.

Iginiit ni Defensor na nais lamang siyang patahimikin sa ginagawa niyang pagpuna sa nangyayaring katiwalian umano sa gobyerno, lalo na sa flood control funds controversy.

“Para kami ay makulong at matahimik,” ayon sa dating kongresista na tumutulong sa paglantad ng mga dating bodyguard ni ex-partylist Rep. Zaldy Co, na naghatid umano ng male-maletang may lamang pera sa ilang personalidad at mga mambabatas. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News