Sapul sa CCTV camera ang panloloob ng tatlong lalaki sa isang gadgets store sa Barangay Toril Proper sa Davao City nitong Miyerkoles. Pagkaraan ng may isang oras, isang gadgets store naman sa Davao del Norte ang pinasok din ng mga kawatan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nalimas ng mga kawatan ang lahat ng paninda sa loob lamang ng dalawang minuto saka tumakas sakay ng puting van.
Sinabi ng pulisya na tinangay ng mga kawatan ang mahigit sa 100 unit ng cellphones na aabot ang halaga sa P1.8 milyon, pati na rin ang pera na nasa P24,000.
Patuloy ang CCTV backtracking ng mga awtoridad.
Hindi pa lumilipas ang isang oras, isang gadget store ang nilooban din sa Barangay Magugpo East sa Tagum, Davao del Norte.
Winasak ng mga suspek ang kandado ng roll-up door at agad na nilimas ang mga gadget at cash ng tindahan.
Sinabi ng Tagum Police na nagkakahalaga ang gadgets ng P1.4 milyon at mahigit P40,000.
Nag-alok ng pabuya para sa ikadadakip ng mga kawatan.
Patuloy ang pag-alam ng mga awtoridad kung parehong grupo ang nanloob sa magkahiwalay na nakawan.—Jamil Santos/FRJ GMA News
