Binuksan na at maaari nang magamit ng mga overseas Filipino worker (OFW) na darating o papaalis sa Cebu at iba pang bahagi ng Visayas ang kauna-unahang OFW Lounge sa rehiyon na nasa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).

Ang pasilidad na ito ang ikatlong international OFW Lounge na itinatag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kasunod ng mga katulad na lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nasa Terminals 1 at 3.

Binuksan ang lounge sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng OWWA, Department of Migrant Workers (DMW), at Aboitiz InfraCapital Cebu Airport Corporation.

Idinisenyo ang pasilidad upang makapag-accommodate ng hanggang 80 katao at nag-aalok ito ng libreng pagkain at inumin, pahingahan, Wi-Fi, mga charging station, at mga assistance desk para sa mga usaping may kaugnayan sa OFWs.

Mayroon din itong mga frontline service ng OWWA, kabilang ang pagpaparehistro at pagre-renew ng membership, pag-iisyu ng OWWA E-Card, at iba pang serbisyo na para sa kapakanan at proteksiyon ng OFWs.

Kasabay ng pagbubukas ng lounge, inilunsad din ang pakikipagtulungan ng OWWA at SSP Mactan Cebu na nagbibigay ng eksklusibong diskuwento sa pagkain at pamimili para sa mga may hawak ng OWWA E-Card sa mga kalahok na establisimyento sa loob ng paliparan.

Kabilang sa mga kalahok na establisimyento ang Burger King, Ritazza, Asian Kitchen, Nippon Ramen, The Coffee Bean & Tea Leaf, BonChon, at Cabin Kitchen + Bar.

Binuksan din sa paliparan ang Department of Migrant Workers OFW Facilitation Center upang tulungan ang mga migranteng manggagawa sa mga usapin tungkol sa Overseas Employment Certificate (OEC) at iba pang mga dokumentong kailangan nila sa pagbiyahe.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne "PY" Caunan, layunin ng pasilidad na mailapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga migranteng manggagawa.

“We believe our OFWs deserve a lounge of their own in one of the country’s finest international airports here in Cebu. It is a simple but meaningful way of honoring their sacrifices and recognizing their invaluable contributions to our nation,” ani Caunan. — Sherylin Untalan/FRJ GMA News