Tinatayang 10 metriko toneladang tilapia sa mga fish pen ang nasayang sa nangyaring fish kill sa Magat Dam sa Isabela.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing aabot sa mahigit P1 milyon ang nalugi sa mga operator o nag-aalaga ng mga tilapia.
Ayon sa sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa Isabela, ang nararanasang pagbaba ng antas ng tubig sa dam at mababang oxygen ang dahilan ng pagkamatay ng isda.
Aabot umano sa 10 metric tons ng isda ang namatay mula sa mga fish pen sa bayan ng Ramon at Cordon, at nasa P1.2 milyon ang halaga ng nalugi sa mga operator ng mga palaisdaan.
Ayon sa BFAR, nagsimula silang makatanggap ng ulat ng pagkamatay ng isda noong Lunes. Kaya naman inabisuhan na umano nila ang mga operator ng mga fish pen na hanguin na ang mga isda o mag-forced harvest.
Subalit ang ibang operator ng palaisdaan gaya ni Renante Siobal, hindi na nagawang mapaghango ng mga isda.
Wala na siyang isalba sa 200,000 stocks ng tilapia sa kaniyang fish pen matapos ang biglaang pagkamatay ng mga alaga.
Ayon kay Siobal, hindi rin kaagad makikita na namatay ang mga isda dahil lumulubog muna ang mga ito.
Magbibigay naman umano ang Isabela Provincial Fishery Office ng tulong sa mga naapektuhang may-ari ng mga fish pen.
Maaari din silang magbigay ng mga libreng fingerlings at iba pang tulong upang makapagsimula silang muli. – FRJ GMA News
