Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari at pinaniniwalang rider ng motorsiklo na nahuli-cam na nag-counterflow umano at hinampas ang side mirror ng nakasalubong niyang sasakyan.

Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Lunes, sinabing nag-viral ang video ng naturang insidente na ibinahagi ng Road Safety Advocates of the Philippines (RSAP).

Sa naturang video, makikita ang rider na may angkas, na dumaan sa kabilang linya ng kalsada at muntik makabanggaan ang nakasalubong na isang SUV.

Pilit na nagmaniobre ang rider para makalusot at bago tuluyang makaalis ay hinampas nito ang side mirror ng naturang SUV.

Nakita rin sa video footage na may nakakabit na blinker o accessories sa motorsiklo, na kabilang sa mga paglabag na iniimbestigahan ng LTO.

Kabilang sa mga iniimbestigahan na posibleng paglabag umano ng rider ay Reckless Driving for Unauthorized Accessories, Driving Against the Flow of Traffic, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Inatasan ng LTO ang rehistradong may-ari at ang rider na pumunta sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa itinakdang pagdinig, at magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay o paliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag.

Bukod sa inalarma ang motorsiklong sangkot sa insidente, suspendido rin ng 90 araw ang driver's license ng rider habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao sa pahayag, na hindi kukunsintihin ng ahensya ang mga motorista na nagpapakita ng iresponsableng asal at naglalagay sa panganib sa mga kapuwa gumagamit ng kalsada. – FRJ GMA News