Ikinuwento ni Eric Fructuoso kung papaano siya aksidenteng nakapasok sa showbiz dahil sa imbitasyon ni Mark Anthony Fernandez, na plano pa sana niyang sapakin noong panahon na iyon. Inilahad din niya kung papaano nabuo ang pangalan ng kanilang grupo na “Gwapings” noong 1990’s.

Sa kaniyang guesting sa “Kay Susan Tayo! Vlogs,” binalikan ni Eric kung paano sila nagkakilala ni Mark at kung papaano siya napasok sa showbiz.

“Actually, 'yun 'yung time na dapat susuntukin ko siya!” pagsisimula ni Eric. “Ngayon ko lang yata ikukuwento ito.”

Pag-alala ni Eric, high school sila noon at maglalaro lang ng kaniyang kaibigan sa isang basketball court, nang makita nila si Mark na nagsu-shooting (ng bola) na mag-isa.

“‘Pare, anak ni Alma Moreno ‘yan tsaka ni Rudy Fernandez,’” sabi ng kaibigan ni Eric. “Nakita ko, bago mag-shoot ng bola, (hinahawi ang buhok). Kahit anong mangyari (hawi ng buhok). Nagpapa-pogi. Sabi ko, nakakairita, wala naman siyang kasama.”

Inamin ni Eric na nayabangan siya noon kay Mark.

“Oo, parang papogi masyado eh. Pagka-shoot, parang, akala mo may salamin lagi,” natatawang sabi ni Eric.

Pagkapunta ng bola kay Eric, tinira niya ito at na-shoot pero tumalbog kay Mark ang bola. Si Mark, muli na naman umanong naghawi ng buhok at hindi ibinalik ang bola kay Eric. Sa halip, tumira (nag-shoot) muli si Mark.

“Unwritten rule ‘yan eh. Pag-shoot mo ‘yung bola, kailangan mo ibalik, dalawang tira, beck (shoot) kong tawagin. So, pag-shoot ko, unang shoot ko, nakuha niya ‘yung bola, tinira niya. So, kami nu’ng kaibigan ko, ‘Pare! (napikon na)’ Foul, mali ‘yun eh,” litanya pa ni Eric.

Bago umuwi, nagplano sina Eric na sasapakin umano niya si Mark. Ngunit hindi niya inasahan na bigla siyang inaya ni Mark sa birthday party nito.

“Lalapitan ko. Paglapit ko, aanuhin ko na eh, biglang sabi (ni Mark) ‘Uy pare, mamaya, birthday ko ah. Punta ka sa birthday ko, pare, diyan sa swimming pool, mag-scratch ako,’ magga’gano’n ganu'n (DJ) daw siya. Biglang sabi ko, ‘O sige, o sige pare, dito tayo sa birthday party. Attend tayo eh.’ 'Yun naman ang mga bata noon, ‘di ba? Excited ka sa mga ganu'n,” patuloy ni Eric.

Dahil dito, hindi na nasapak ni Eric si Mark.

“Hindi, na-invite ako sa birthday niya eh,” natatawa niyang sabi.

Pagkadiskubre

Pagpunta ni Eric sa birthday party ni Mark, doon na nila nakita ang iba’t ibang artista at showbiz personalities.

“Then, that was the time na si Tito Alfie Lorenzo, nandu'n, Tita Lolit (Solis), lahat ng mga (manager). Yes, Tito Dougs (Douglas Quijano).”

Kalaunan, inalok na si Eric na mag-artista na rin siya.

“'Yun 'yung time na si Tito Alfie, Ay, halika sa akin, mag-artista ka.’ Eh, Tita Lolit, ‘Hindi, sa akin!’ Lahat sila. Tito Germs (German Moreno), nandu'n din,” sabi pa niya.

Ikinuwento ni Eric na hindi mga talent manager ang nagpa-oo sa kaniya, kundi ang kaniyang idolong si Richard Gomez.

“Hanggang, may humila sa akin, dinala ako sa kabilang table, sabi niya sa akin, ‘Ay, gusto mong mag-artista?’ ‘Yung idol ko, Richard Gomez. Siya ang humatak sa akin,” pag-aalala ni Eric.

Kalaunan, ikinuwento ni Eric sa kaniyang mga magulang ang imbistasyon.

Pagpasok sa showbiz

Pumayag naman ang ama ni Eric na pumasok siya sa showbiz.

“Tapos 'yun, sinabi sa akin ng dad ko na mag-start ka raw para masanay ka sa acting, sama ka sa ‘Palibhasa Lalaki.’”

Bukod dito, inalok din si Eric na maging modelo ng isang clothing brand.

Nauna pa si Eric kaysa ay Mark na pumasok sa ‘Palibhasa Lalaki.’ Kalaunan, nagsipasukan na rin sina Mark, Anjo at Jomari Yllana.

“Tapos, since kailangan in-introduce lang 'yung mga bago, ‘pag guest sa mga show, 'yung kakanta o sasayaw. Hindi alam paano kami i-introduce,” kuwento niya.

“Tapos, during taping, tinatawag kami, ‘O mga bagets, hali kayo mga bagets.’ As always, brilliant mind si Richard Gomez. Sabi niya na, nakatingin siya, ‘Hindi naman mga bagets 'yun, mga Gwapings ‘yan,’” sabi pa ni Eric.

Dagdag pa ni Eric, nauso noong mga panahong iyon ang pagbuo ng mga salita na nagtatapos sa – “ing.”

Kinumpirma ni Eric na si Richard Gomez ang nakaisip ng bansag sa kanila na “Gwapings.”

“Tapos, nu'ng pagkasabi niya, 'yun, tumahimik 'yung buong studio. Tapos, 'yun, na-introduce kami, ‘Ang tatlong Gwapings!’ Sabi ko, ‘Obviously naman, tatlo naman kami, ‘di ba? Hindi naman kailangang sabihin tatlong Gwapings pa,’” saad niya.

Magmula noon, napanood na si Eric sa mga samu't saring palabas sa showbiz, kabilang ang Bubble Gang. – FRJ GMA News