Iginiit ng kampo ni Leyte 1st District Martin Romualdez na walang ebidensiyang nag-uugnay sa dating House Speaker sa umano'y mga iregularidad sa paggamit ng pondo tungkol sa mga flood control project.

Ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng Office of the Ombudsman na si Romualdez umano ang utak sa likod ng sinasabing anomalya.

“Yung grand case of conspiracy and plunder na ang pinakapuno’t dulo nun ay si former Speaker Martin Romualdez,” sabi ni Mico Clavano, spokesperson ng Office of the Ombudsman.

Mariin naman itong itinanggi ng kampo ni Romualdez.

“Despite numerous Senate and House inquiries and other official investigations, no former or incumbent DPWH official has ever identified Rep. Romualdez as having participated in the planning, procurement, implementation, inspection, payment, or release of funds for any alleged ghost project,” sabi ni Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez.

Pinabulaanan din ng kampo ni Romualdez ang alegasyon ng Ombudsman na minanipula umano ng liderato ng Kamara ang panukalang budget na inihanda noon ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan. Ito ay kasunod ng plano ng Ombudsman na gawing state witness si Bonoan.

“Even former DPWH Secretary Manuel Bonoan—despite all opportunities in the past and - who had firsthand knowledge of the Department’s operations—never implicated Rep. Romualdez. Simple lang kung bakit - because Rep. Romualdez was not involved,” patuloy ni Atienza.

Ayon pa sa kampo ni Romualdez, maraming sektor ang sangkot sa proseso ng pagbubuo ng pambansang budget at walang sinumang indibidwal, kabilang ang House Speaker, ang may ganap na kontrol dito.

Nilinaw rin ng tagapagsalita na ang aktuwal na pagpapatupad ng mga proyektong napondohan na at ang paggamit ng inaprubahang budget ay nasa kapangyarihan ng sangay Ehekutibo.

“The Speaker has absolutely no authority over project bidding, contract awards, implementation, inspections, payments, or the release of government funds. Hindi niya po saklaw ang pagpapa-release ng budget. Those are functions vested by law in the Executive Branch,” dagdag ni Atienza.

“Kung may nagkasala, papanagutin natin. Pero huwag nating gawing shortcut ang paghahanap ng isang malaking pangalan para lang may maipakita sa publiko,” sabi pa niya.

Sinisikap pa ng GMA News na makuhanan ng pahayag ang Ombudsman tungkol dito. —Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News