Kalunos-lunos ang sinapit ng isang caretaker matapos mabagsakan ng elevator sa isang apat na palapag na gusali sa Balut, Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na natagpuan ang biktima sa maintenance room na katabi ng elevator.
Nakadungaw umano ang biktima sa elevator shaft nang mangyari ang trahedya.
Mayroon umanong sinusuri ang biktima sa lugar kaya ito nakadungaw nang biglang bumagsak ang elevator at naipit siya.
Ayon sa kaniyang kapatid, naghahanda na sana ang biktima para magtrabaho sa ibang bansa.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang isang katrabaho ng biktima.
Sinabi ng may-ari ng gusali na nakahanda silang makipagtulungan sa imbestigasyon at sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing ng biktima.
Magpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang alamin kung may pananagutan ang may-ari ng gusali sa nangyaring insidente.—FRJ GMA News
