Patay ang isang police corporal matapos pagbabarilin sa bayan ng Dumalinao, Zamboanga del Sur nitong Miyerkules ng hapon, Hulyo 1, 2026. Ang biktima, kakukuha pa lang umano ng loan nang mangyari ang krimen.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nakatalaga ang biktima sa 2nd Zamboanga del Sur Provincial Mobile Force Company.

Natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa tabi ng kaniyang motorsiklo sa Purok Lapu-Lapu, Barangay Tickwas.

Ayon sa Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9), galing umano sa Pagadian City ang biktima at sinundan habang bumibiyahe ng mga suspek na sakay din ng motorsiklo.

Pagdating sa lugar ng insidente, inunahan umano ng mga suspek ang biktima at saka binaril ng angkas na suspek.

Tinangay rin umano ng mga suspek ang malaking halaga ng perang dala ng biktima, pati na ang service firearm na nakatalaga sa kaniya, bago tumakas.

Tinitingnan ng pulisya ang pagnanakaw bilang pangunahing motibo sa krimen.

“Sa ngayon, tinitingnan namin is robbery dahil nakita ng ating investigator na merong slip from isang loaning institution na connected sa PNP. The released date is that date mismo (July 1, 2026). So, may pera yung ating biktima,” ayon kay PRO-9 Spokesperson Police Major Shellamie Chang.

Patuloy ang backtracking sa mga CCTV footage ng mga imbestigador para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.—FRJ GMA News