Sa kulungan ang bagsak ng isang 28-anyos na kasambahay matapos niyang pagnakawan umano ang kaniyang amo ng mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P3.9 milyon sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, dinala sa Eastwood Police Station ang suspek matapos ireklamo ng pagnanakaw sa Barangay Ugong Norte kung saan siya nagtatrabaho.
Natuklasan ng biktima ang pagnanakaw nitong Miyerkules, ayon sa pulisya.
"Habang chine-check ng may-ari 'yung kaniyang mga alahas, napansin niya na maraming nawawala sa kaniyang mga alahas. Tinawag niya ngayon ang kaniyang kasambahay, ito na nga 'yung suspek natin, tinanong na may mga nawawala siyang mga alahas, in-admit naman na kaagad niya na siya nga ang kumuha ng mga alahas," sabi ni Police Lieutenant Colonel Maria Rosario Calusor, Commander ng Eastwood Police Station.
Gayunman, hindi pa nababawi ang anumang nawawalang mga alahas.
Lumabas sa imbestigasyon na posibleng dinala ang mga ito ng suspek sa Cubao nang mag-day off siya noong Hunyo 20.
Tinungo na umano ng pulisya ang bahay, pero wala silang inabutan.
"Tinitingnan natin 'yung anggulo kung mayroon siyang kasabwat. 'Yung cellphone niya, kailangan pa nating alamin at with the consent pa rin ng suspek na ma-verify natin sa kaniyang cellphone mismo kung mayroon nga siyang mga kasabwat dito," sabi ni Calusor.
Sinampahan ng reklamong qualified theft ang suspek, na itinanggi ang krimen.
"Hindi ko po 'yung ginawa. Hindi ko po alam kay ma'am (kung bakit ako pinagbintangan). Kasi ako lang naman po 'yung naglilinis doon sa taas," sabi ng suspek.
Bago ang insidente, nagkaroon ng pag-uusap ang pulisya sa mga kasambahay at security guard ng isang subdivision para paalalahanan sila tungkol sa iba't ibang modus.
"Very vulnerable sila sa love scam. 'Yung nag-e-establish 'yung mga kriminal ng magandang kaugnayan dito sa mga kasambahay. Dahil sila ang vulnerable, sila ang ating kinakausap para maiwasan itong mga ganitong insidente," sabi ni Calusor. — VDV GMA News
