Patay ang isang senior citizen habang 11 ang sugatan sa salpukan ng van at truck sa Luna, La Union. Ang driver ng van, posibleng nakatulog umano.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV, sinabing naganap ang insidente madaling araw ng Miyerkoles. Kasama sa mga sugatan ang mga driver ng mga sasakyan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagmula ng Maynila ang van na sakay ang 10 opisyal ng Senior Citizens Federation galing sa Puerto Princesa City.

Kadadalo lamang nila sa isang training at papunta sila sa Vigan City para mamasyal.

“Itong van papunta sa Vigan, sa initial investigation nag-encroached siya sa right of way ng wing van (truck) so parang siya ang nag-collide sa wing van (truck),” sabi ni Police Major Arcellie Pang-Ag, PIO, La Union Police Provincial Office.

Ayon sa isa sa mga senior citizen na sakay ng van, nasa Puerto Princesa pa lamang sila, nagpasiya na silang dumeretso sa Vigan pagkatapos ng isang araw na training sa Maynila.

Nirentahan nila ang sinakyang van.

“Umalis kami ng Maynila mga 10 ng gabi sabi namin, good driver, magaling daw, slowly lang daw siyang tatakbo, may dalawang gising na gising. Kami na iba ay tulog, 'yung dalawa na gising, 'yung isa siya ang nagbukas ng bintana, binasag niya ang bintana, doon siya lumusot para humingi ng tulong sa mga tao,” sabi ni Edna Magbanua, isa sa mga biktima.

Posible umanong nakatulog ang driver ng van.

“Sa San Fernando pa lang gumegewang na talaga ‘yung sasakyan. Pagkakuwento po nila sa amin. So kaya nu’ng madisgrasya po kami, nakita po talaga ng dalawang nakamotor na ‘yun na gumegewang po. Then may van po kaming nasalubong na parang ang van ang umiwas sa amin,” sabi pa ni Magbanua.

Nakalabas na sa pagamutan ang lima sa mga sugatan.

Sinisikap ng GMA Regional TV na makunan ng panig ang iba pang sangkot sa aksidente, lalo ang dalawang driver ng nagsalpukan na mga sasakyan.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa aksidente. – Jamil Santos/FRJ GMA News