Binaril at napatay ang isang babae na dating guro habang nakatayo sa gilid ng kalsada sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte nitong Huwebes ng gabi, July 2, 2026.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na naghihintay sa lugar ang biktima na empleyado na ngayon ng lokal na pamahalaan nang lapitan siya at barilin ng salarin.
Tumakas ang salarin habang isinugod naman ang biktima sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.
Nakakuha ng isang basyo ng bala na mula sa kalibre .45 na baril sa lugar ng krimen ang mga imbestigador.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.—FRJ GMA News
