Nadakip sa Santa Rosa, Laguna habang may katabing batang lalaki sa kama ang isang 73-anyos na Canadian na may kinakaharap na kaso umano ng child sexual abuse sa Thailand at Cambodia.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang pagpasok ng Bureau of Investigation Fugitive Search Unit sa bahay na tinutuluyan ng suspek na itinuro ng kanilang asset.

“May mga dati rin siyang kaso sa Thailand and Cambodia, kung saan sinasabing sa Cambodia, convicted siya for child sexual offense. So, nu’ng pinasok nga natin 'yung bahay niya sa area ng Santa Rosa, Laguna, tumambad sa atin 'yung mga menor de edad sa kaniyang kuwarto kung saan 'yung isang ang bata roon ay nakahiga pa sa kama katabi niya,” sabi ni BI - FSU Chief Rendel Sy.

Mayroon ding Interpol Green Notice ang suspek, ngunit 2018 lamang nakansela ang kaniyang pasaporte kung kailan nasa Pilipinas na siya.

Inireklamo din ang dayuhan ng dalawang beses sa Pilipinas dahil sa pang-aabuso ng lalaking menor de edad.

“Na-involve sa pakikipagtalik sa mga minor na mga lalaki. Kinu-consider natin siya na threat sa ating public safety and public interest, especially to children,” sabi ni Sy.

Tatlong menor de edad na lalaki ang nasagip sa bahay na tinutuluyan ng suspek.

Nakapiit na sa Immigration Detention Facility ang dayuhan, na hindi pa rin nagbibigay ng pahayag.-- Jamil Santos/FRJ GMA News