Isang 10-anyos na batang lalaki ang nasawi matapos siyang magulungan ng isang sports utility vehicle (SUV) habang naglalaro umano sa kalsada sa Barangay Balingasa, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng pulisya na lumabas sa imbestigasyon na naglalaro ang biktima sa kalsada, kasama ang dalawa pang bata.
"Humiga siya sa kalsada and then umupo, hanggang sa dumating yung SUV na minamaneho ng ating suspek," ayon kay Quezon City Police District Traffic Sector 1 Commander Police Lieutenant Jason Santoceldes.
"Tila hindi niya [driver] napansin yung bata dahil medyo pababa 'yung kalsada hanggang sa nagulungan niya 'yung biktima natin na bata," dagdag niya.
Isinugod sa ospital ang bata pero binawian din ng buhay.
Nasa kustodiya na ng Traffic Sector 1 ng Quezon City Police District ang 55-anyos na driver ng SUV.
Ayon sa driver, pauwi na siya nang mangyari ang insidente at hindi niya nakita ang bata.
"'Di ko talaga nakita. Humihingi lang ako ng tawad sa nangyari. Hindi ko kagustuan 'yon, aksidente lang talaga," ayon sa driver.
Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Ayon sa mga kaanak, grade 5 student ang biktima at bunso sa apat na magkakapatid.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga magulang ng bata.—Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News

