Sapul sa camera ang pagpasok ng isang babae sa ilang kabahayan sa Navotas para makapagnakaw . Kabilang sa kaniyang mga natangay, ang perang pambili ng gamot ng isang bedridden na lalaki at isang cellphone sa magkakahiwalay na insidente.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV na nagpapahinga ang isang senior citizen sa kaniyang bahay bandang 2 p.m. nitong Lunes sa Barangay Sipac‑Almacen.
Ilang saglit pa, pumasok ang isang babaeng nakaitim na t-shirt at marahang kinuha ang wallet sa nakasabit na sling bag sa kama.
Makaraan ang ilang saglit, ibinalik ng babae ang wallet sa bag. Sakto namang nagising ang lalaki at ang kasama niya sa bahay.
Nakipagkuwentuhan pa ang babae bago umalis.
Ayon sa Facebook post ng anak ng biktima, natangay ng babae mula sa kanilang bedridden na ama ang P2,000 na pambili sana nito ng kaniyang gamot.
Sa Barangay Bagumbayan South, bandang 3:30 p.m., nahuli-cam ding pabalik-balik sa isang compound ang babae.
Pumasok naman siya sa isang bahay at agad ding umalis.
Natangay na pala niya noon ang cellphone ng nakatira sa bahay.
Sinabi ng pamangkin ng biktima na nagulat ang kaniyang tiyuhin nang makitang wala na ang tina-charge niyang cellphone.
“Siguro naka-9 missed call ako du’n sa phone niya, wala. Tapos pumunta po ako sa kapitbahay niya na baka puwede po kung maano (suri) po 'yung CCTV nila. Nagulat kami babae. Tapos sabi ko, hindi pamilyar,” sabi ni “Nica,” kamag-anak ng biktima.
Ipinost niya online ang larawan ng babae para mahanap. Ngunit nagulat siya na may iba pa palang nabiktima ang babae.
“Kasi may nag-reach out po sa akin na ibang naging victim niya, may sakit po 'yung tatay nila, bedridden. Meron naman daw po P18,000. Tapos 'yung nanakawan niya din po, may sakit din, pambili rin ng gamot,” sabi ni Nica.
Ayon sa barangay, hindi nila kilala ang babae.
“Hindi po talaga nila nakita kung taga-rito ‘yan o ano. Parang masasabi po talagang dayo siya,” sabi ni Maria Cristina Jeresano, desk officer ng Barangay Bagumbayan North, Navotas.
Pasado 4 p.m., nasapul na naman sa camera ang babaeng pumasok sa bahay mismo ng chairman ng Barangay Bagumbayan North.
Nakita umano ng anak ng chairman ang babae kaya agad itong lumabas.
“Buti nandoon 'yung anak ko sa may CR. Nu’ng pagbukas niya, nakita niya nandoon may balak na siyang kunin. Nagulat 'yung anak ko. Kaya sinita ng anak ko. Sabi, ‘Uy, bakit ano 'yan?’ Sabi niya, nakagawa siya ng dahilan. Ang sabi, ‘Bibili lang ako ng yelo,’” sabi ni Armando Gonzales Sr., chairman ng Brgy. Bagumbayan North.
Sinabi ng barangay chairman na problema sa kanilang lugar ang kawalan ng CCTV cameras dahil ninanakaw umano ang mga kable nito.
Sinabi ng pulisya na nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng babae.
"Buti pa sumuko na siya. Mas mahirap pa kung mahuli siya sa akto na nagnanakaw na maaaring siya mapatay o ano, madumog,” sabi ni Gonzales.—Jamil Santos/AOL GMA News
