Kalat-kalat lang umano ang mga suso na Binga kung tawagin sa karagatan ng Pilipinas. Ang mga ito, maaari umanong magtaglay ng Melo pearl na aabot ang halaga sa P6 milyon kada karat. May suwertehin na kayang Pinoy na makahanap nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinaliwanag ng gemologist na si Willyn Villarica na wala pang naitatala ang Gemological Institute of America, na may nakuhang Melo pearl sa Pilipinas mula sa mga Binga o Melo broderipii.

“Pinaka-cheap na price that I know of, around $800 to $1,000 per carat. And it can go as high as $100,000 per carat,” sabi ni Villarica.

Namamalagi ang mga Binga sa mga lugar na madali itong makapagtatago tulad ng buhanginan. Hindi tulad ng ibang mga kabibe at susong dagat na nakapuwesto sa malalaking bato.

Sa Masbate, ibinibenta ang mga Binga sa mga palengke sa Masbate sa halagang P50 kada kilo.

Dahil sa laki nitong umaabot sa 10 pulgada, kayang umabot ang bigat ng isang binga ng dalawa hanggang tatlong kilo.

Ipinaliwanag ni Nonie Enolva, marine biologist, na global hotspot ng Binga ang Pilipinas dahil nabubuhay ang mga ito sa tropical at nutrient-rich na lugar na mayroong extensive coral reef ecosystem.

“Ang binga ay kaya lang pong mag-produce ng 100 to 140 baby snails. Pero kinakailangan mag-mature muna siya ng mga about 7 to 10 years bago siya fully na makapangitlog. Ang lifespan naman kasi ng binga ay inaabot ng 20 to 30 years,” sabi ni Enolva.

Isa ang Bantayan Island sa eksaktong tirahan ng Binga dahil sa mababaw, mabuhangin at muddy na seabed nito.

Nilinaw naman ni Enolva na matatandang Binga lamang o mga dekada na ang tanda ang maaaring maglaman ng perlas.

“Based on some scientific papers, sinasabi nila na inaabot muna ng dekada bago sila tuluyang makapag-produce. Kung ang Binga ay patuloy na makolekta na hindi pa nakakapanganak, nandun ‘yung possibilities na maubos sila sa wild,” sabi ni Enolva.

“It's essentially a fluke, fluke in nature. Para kang tumama sa lotto. So ‘yung chances na parang nakakakita ka ng Melo Pearl, thousands to one, ganu'n 'yung chances of finding them. Wala pa po tayong nakikita na Melo pearl of significant value like the one in Thailand,” sabi ni Villarica.

Legal man ang pagkuha ng mga Binga, umaabot naman ng dekada para maparami ito. Kaya may paalala ang mga eksperto na huwag abusuhin ang biyaya ng dagat.

Isa ang mangingisdang si Bualberto Bawiin Jr. na sumisisid sa dagat para manguha ng Binga nang mabalitaang milyon-milyon ang halaga ng Melo pearl na nakukuha rito.

Suwertehin kaya siya na makakita ng Melo pearl sa mga sinisid niyang Binga? Alamin din ang mga masasarap na putahe na maaaring iluto mula sa Binga. Panoorin ang video. – FRJ GMA News