Nasagip na sa tiyak na kamatayan sa Aklan, nakarating pa sa Amerika ang isang aso matapos ampunin ng isang babae na nakatira sa Massachusetts sa Amerika.
Ayon sa post sa Facebook ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), isang babae na nagngangalang “Katie,” ang nag-alok na ampunin ang sinagip na aso na si “Felicia.”
Nangyari ang alok ilang araw bago ang nakatakdang pagsailalim sana kay Felicia sa euthanasia sa isang dog pound sa Aklan.
Sinagip siya ng Aklan Animal Rescue & Rehabilitation Center.
"To help Felicia reach her new home, PAWS executive director Atty. Anna Cabrera posted a personal appeal on Facebook asking who could help give her a ride to the United States," ayon sa PAWS.
Ibinahagi naman ng Bow House, isang tindahan ng mga gamit para sa alagang hayop sa Maynila, ang naturang panawagan, at tumugon ang Philippine Airlines na nag-alok din ng tulong para maibiyahe ang aso sa US.
"While preparing for her trip, Felicia stayed at the PAWS shelter to complete her treatment, regain her health, and secure the documents required for international travel," dagdag ng PAWS.
"Thank you, Philippine Airlines, for giving Felicia more than just a flight, but the chance to begin a new life with a family of her own," saad ng grupo.
—Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

