Inihayag ni Vice President Sara Duterte na “waste of time of the Filipino people" ang SONA 2026 ni President Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
"Hindi ako nanood ng SONA like last year. And wala akong planong basahin ang nilalaman ng SONA o kahit man lang summary dahil I truly believe it is a waste of time of the Filipino people," sabi ni Duterte sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, matapos niyang bisitahin ang kaniyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte, na nakadetene sa International Criminal Court.
Ibinigay ni Marcos ang kaniyang SONA ng 4 p.m. ng Lunes sa joint session ng Kongreso sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Sa kaniyang SONA, nanawagan si Marcos sa magkabilang kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para matigil ang mga singil sa systems loss, kabilang ang kasamang value-added tax (VAT), na maipasa sa mga konsyumer, bukod sa iba pang mga bagay na kaniyang tinalakay.
Sinabi rin ni Marcos na malapit nang magsampa ang Ombudsman ng mga kaso laban sa kaniyang pinsan na si dating Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez, tungkol sa pagkakasangkot umano sa mga maanomalyang flood control projects.
Gayunpaman, sinabi ni Duterte na hindi dapat umasa ang publiko sa sinabi ni Marcos na sasampahan ng mga kaso si Romualdez.
Sinusubukan ng GMA News na makuha ang komento ng Malacañang tungkol sa isyu.
Inimbitahan ang bise presidente na dumalo sa SONA ngunit nasa ibang bansa siya mula Hulyo 16 hanggang 31, ayon sa Office of the Vice President.
Mga ‘di natupad na kahilingan
Binatikos din ni Duterte si Marcos, at sinasabing hindi tinupad ng huli ang kaniyang mga pangako.
"Dalawa lang ang hiningi ko eh nu'ng pumayag ako na tumakbo ka-tandem niya bilang kaniyang vice president. 'Yung isa du'n, buwan pa lang, hindi na niya sinunod. Wala pang one year. Isa lang 'yon," sabi niya.
"Related lang 'yon sa pakiusap ko sa kaniya sa kailangan kong gawin gabi-gabi para sa aking mga anak kasi bata pa 'yung mga anak ko. Wala siyang...Hindi niya tinupad," sabi ni Duterte.
"Sige, sabihin na natin personal 'yan eh. Puwede naman hindi tuparin 'yan no. Fine. Du'n tayo sa bente (pesos) ang (kilo ng) bigas. Tinupad ba o hindi? May makukulong before Christmas. Tinupad ba o hindi?" pagpapatuloy ng bise presidente.
"So bakit pa kayo naniniwala...," sabi ni Duterte.
Ratings sa mga survey
Nang tanungin tungkol sa maganda niyang ratings sa mga nakaraang survey tulad ng mga isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, sinabi ni Duterte na sa tingin niya ay "truly blessed."
"On that point I am truly blessed. Favored ako ng Diyos sa ganyan na bagay," anang bise presidente.
"Hindi ako makapag-explain sa mga surveys dahil hindi ko naman alam paano 'yan ginawa o kung sino ang nagpagawa niyan," sabi niya.
"Pero lagi lang talaga ang sinasabi ko 'pag merong survey na lumalabas ay nagpapasalamat ako sa patuloy na pagtitiwala ng ating mga kababayan sa akin, sa aking mga kasamahan sa OVP, at siyempre sa aming opisina," dagdag ni Duterte.
Isang survey na isinagawa kamakailan ng SWS na ikinomisyon ng Stratbase Group ang nagpakita na bumaba ang trust rating ni Marcos sa 34% habang matatag sa 57% ang trust rating ni Duterte.
Samantala, ipinakita ng isang survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Hulyo na may trust rating na 58% si Duterte habang 27% ang kaniyang distrust rating. Nagtala naman si Marcos ng 28% trust rating at 51% distrust rating. —VBL GMA News

