Nagtamo ng mga sugat sa mukha, tiyan at mga kamay ang isang lalaki matapos siyang masabugan ng napulot niyang bahagi ng improvised explosive device, na inakala niyang vape sa Santa Ana, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood sa CCTV ang isang lalaki na may kinakalikot na bagay habang nakaupo sa kaniyang motorsiklo sa tapat ng Santa Ana Public Market sa Maynila bandang 6 p.m. ng Lunes.

Maya-maya pa, sumabog na ang bagay na kinakalikot ng lalaki.

Agad namang lumapit sa kaniya ang kaniyang live-in partner at ilang tao sa lugar.

Matapos ang pagsabog, isinara pansamantala sa publiko ang bahagi ng Pedro Gil para sa imbestigasyon ng SOCO at District Explosive and K9 Unit ng Manila Police District.

Ayon sa tricycle driver na si “Vic,” siya ang nagdala sa 34-anyos na biktima sa ospital.

“Pagkadating ko po rito sa harapan ng palengke, nakita ko 'yung lalaki, sinalo ng babae, ‘yung asawa niya. Tapos pagharap sa akin, puro dugo na 'yung lalaki. Kaya inaya ko na sumakay sa tricycle… Malakas po, kasi ando’n na kami sa kapihan tsaka 'yung mga nagtitinda doon narinig,” sabi ni “Vic.”

Inakala umano ng lalaki na vape ang kaniyang kinakalikot na napulot niya sa kanilang basurahan sa bahagi ng New Panaderos.

Sinabi ng pulisya na hindi vape kundi incomplete IED component o pampasabog ang napulot ng biktima.

Kaya kahit naospital ang lalaki, kailangan arestuhin ang lalaki dahil sa illegal possession and use of explosives.

“Dapat, ang ginawa talaga niya is upon checking ng gano'ng gamit, tumawag siya sa barangay, sa pulis kaagad para macheck kung ano man ‘yun. At chineck namin 'yung blast site. Wala kami nakitang any portion ng sinasabing plastic container. Ang nakita talaga namin is 'yung portion talaga ng pin, 'yung mga clip ng fuselage ng allegedly fragmented grenade,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Richard Villanueva, Station Commander ng Sta. Ana Police Station.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa lugar kung saan sinasabing napulot ito ng biktima.

Nasa kustodiya na ng Santa Ana Police Station ang biktima pero dadalhin muna siya sa orthopedic dahil kailangang putulin ang bahagi ng kaniyang kanang daliri dahil sa nangyaring pagsabog.

“Marami nang insidente ganiyan sa atin na out of curiosity nakikita naman 'yung bagay and eventually sasabog pala. Marami nang napahamak diyan,” sabi ni Villanueva.

Mag-12 a.m. na nang muling buksan sa publiko ang bahagi ng Pedro Gil. –Jamil Santos/VBL GMA News