Nahuli-cam ang isang pulis at isa umanong holdaper na nagpapambuno sa isang footbridge sa Barangay Sucat, Muntinlupa. Ang suspek, sugatan matapos aksidenteng mabaril.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ng pakikipambuno ng isang lalaki sa nakaunipormeng pulis noong Martes sa East Service Road, Barangay Sucat.
Ilang saglit pa, biglang bumunot ng baril ang lalaki at tinutukan ang pulis. Ngunit nasalag ito ng pulis at pilit inagaw ang baril mula sa lalaki, kaya aksidenteng nabaril ang suspek.
Isa pang lalaki ang dumating at tila tumulong.
Ayon sa Southern Police District, pulis mula Muntinlupa ang nasa video, na kinilalang si Police Staff Sergeant Lloyd Francisco.
Rumesponde si Francisco at dalawa pa niyang kabaro sa isang 911 hotline report kaugnay ng nangyaring holdapan sa pampasaherong jeepney.
“Base po sa salaysay ng biktima, noong magbabaan lahat ng sakay ng jeep sa tapat po ng isang gasolinahan sa East Service Road, Barangay Sucat, Muntinlupa City, ay biglang sumakay sa jeep ang suspek at agad nagdeklara ng holdap habang nakatutok po sa biktima 'yung baril. Nakuha po sa victim 'yung kaniyang cellphone at wallet,” sabi ni Police Lieutenant Margaret Panaga, spokesperson ng Southern Police District.
Tumakbo ang suspek sa isang footbridge matapos ang kaniyang panghoholdap kaya doon siya hinabol at kinompronta ng mga pulis.
Wala namang tinamo na anumang sugat o pinsala ang mga rumespondeng pulis.
“Mabuti't maagap din po at malakas ang loob ng ating pulis na rumesponde. So bale tatlo po 'yung pulis natin nandoon. Nauna lang po 'yung si Francisco Lloyd, si PSSG Francisco Lloyd,” sabi ni Police Colonel Olivia Ancheta, Acting Chief ng Muntinlupa Police.
Binabantayan ng pulis habang nagpapagaling sa ospital ang suspek, na wala pang pahayag sa ngayon.
Sasampahan siya ng patong-patong na reklamo kabilang ang robbery, direct assault sa mga pulis at illegal possession ng isang .45 handgun.
“Batay po sa report, nagtamo ng tama ng bala sa leeg ang suspek at agad siyang dinala sa Ospital ng Muntinlupa. Siya po ay kasalukuyang nasa ilalim ng medical treatment at inoobserbahan po ang kaniyang kalagayan,” sabi ni Panaga.
Ipinatawag na ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at ng mga opisyal ng Philippine National Police ang tatlong rumespondeng pulis para kilalanin ang kanilang katapangan.
Samantala, naibalik sa biktima ng panghoholdap ang kaniyang cellphone, bag at wallet. – Jamil Santos/FRJ GMA News
