Arestado ang dalawang lalaki matapos mahuli-cam ang panloloob nila sa isang construction site at pagnanakaw sa mga cellphone ng mga construction worker sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang dahan-dahang pag-akyat ng isang lalaki sa pader ng construction site pasado 4 a.m. nitong Martes, at sinundan ng isa pang lalaki.

Pagpasok nila sa loob, pinuntirya ng isang lalaking ang mga cellphone ng mga construction worker na natutulog sa barracks. Nagsilbing lookout naman ang kaniyang kasama.

Natangay nila ang tatlong cellphone na nagkakalaga ng P25,000 sa kabuuan.

“Nagising ‘yung isa sa mga biktima natin. Then paggising niya hinanap niya ‘yung cellphone niya wala na. Nakita niya charger na lang. So nagtaka siya kaya ginising niya rin ‘yung dalawang kasama niya pa. Nagtaka rin ‘yung dalawa kasi wala na rin ‘yung cellphone nila. Ang nandoon na lang ‘yung charger nila,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr.

Ayon sa pulisya, dumulog ang mga construction worker sa kanilang supervisor. Matapos i-review ang kuha ng CCTV camera, doon nakumpirma na pinasok sila ng magnanakaw.

Nadakip kalaunan ang mga suspek na 20-anyos, habang 16-anyos naman ang lookout.

“Nakilala ng witness natin ‘yung isa sa mga suspek dahil nga sa tattoo niya sa leeg. Accordingly sa kaniya, is kapitbahay niya. Kasama ang mga awtoridad, pintuntahan sa bahay and then pagpunta sa bahay, doon na rin niya naituro kung saan nakatira ‘yung menor de edad at napuntahan na rin kaya nahuli silang dalawa,” sabi ni Fabros.

Sinampahan ang dalawa ng reklamong robbery, samantalang hindi na nabawi ang mga ninakaw na cellphone na naibenta na umano sa halagang P6,500.

Umamin ang 20-anyos na suspek sa kaniyang krimen.

Itinurn-over naman ng pulisya sa Social Services Development Department ang menor de edad.

"Upon finding out na mayroon namang discernment, isinama natin siya sa inquest. But nu'ng pagkatapos ng inquest, ibinalik natin siya sa SSDD for their intervention dahil nga siya ay menor de edad," sabi ni Fabros. – Jamil Santos/FRJ GMA News