Sa harap ng peligro ng “Sangla-ATM” scheme, ipinaalala ng Department of Education (DepEd) sa mga tauhan nito na hindi dapat isangla o gamiting pangkolateral ang kanilang ATM payroll card upang makautang.

Sa DepEd Memorandum No. 049, s. 2026, na may petsang Agosto 12, muling iginiit ng kagawaran sa kanilang mga kawani ang pagbabawal sa paggamit ng ATM payroll card bilang kolateral sa utang o ibinibigay sa nagpapautang ang ATM card.

Binanggit sa memorandum ang naunang Office Memorandum na may petsang Abril 18, 2020, gayundin ang advisory ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) tungkol sa “Sangla-ATM” scheme na inilabas noong Mayo 2023.

Ayon sa DepEd, mataas ang panganib at mapang-abuso ang naturang uri ng pagpapautang dahil sa maaari nitong ilantad ang mga tauhan sa hindi makontrol na pag-withdraw ng pera, pagsasamantalang pinansyal, pagkalubog sa utang, at posibleng maling paggamit ng personal at sensitibong impormasyon.

Hinimok ng kagawaran ang mga tauhan nito na mag-ingat nang husto sa pagpasok sa mga kasunduan sa pautang at iwasan ang mga hindi pormal o hindi awtorisadong lending scheme na nagpapataw ng labis na interes o tubo, hindi kanais-nais na mga kondisyon, o mapang-abusong mga patakaran.

Ipinaalala rin ng DepEd sa mga empleyado na pangalagaan ang kanilang ATM payroll accounts at personal at sensitibong impormasyon.

Kung kailangang mangutang, hinihikayat ng DepEd ang kanilang mga tauhan na umutang na lamang sa mga kinikilala, awtorisado, at regulated na lending facility, kabilang ang mga government loan program na iniaalok ng Government Service Insurance System (GSIS), DepEd Provident Fund, Land Bank of the Philippines, at Pag-IBIG Fund.

Maaari din silang makipagtransaksyon sa mga lending company na rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at may kaukulang lisensya, pati na rin sa iba pang pribadong lending institution na kinikilala ng DepEd at nagbibigay ng malinaw at makatuwirang mga kondisyon sa pagpapautang.

Minsan nang naging paksa sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang naging mahirap na sitwasyon ng ilang guro na nabaon sa utang.

FRJ GMA News