Nagtamo ng mga sugat ang isang 40-anyos na barker ng jeep matapos siyang saksakin umano ng kaniyang kaibigan dahil umano sa selos sa Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente bandang 8 p.m. nitong Miyerkoles.

Dinala sa ospital at nagpapagaling pa ang biktima matapos magtamo ng saksak sa kaliwang braso.

Nadakip naman ang 39-anyos na lalaking suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Fairview.

Lumabas sa imbestigasyon na nakainom ang dalawa nang maganap ang insidente.

“Pinuntahan siya noong ating suspect sa kaniyang pinagbabarkeran at kakausapin sana. Dinala siya sa madilim na bahagi ng daan tapos inundayan na siya ng saksak,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Gemmer Tubiera, Commander ng Batasan Police Station.

Nabawi ang kutsilyo na ginamit ng suspek.

Selos ang lumalabas na motibo sa krimen, ayon sa pulisya.

“Ayon sa aming imbestigasyon itong biktima natin ay tine-text niya ‘yung kursunada rin na babae nitong suspect natin. Bago sila nagkaroon ng insidente ng pananaksak ay pinalayas noong suspect natin ‘yung biktima kasi iisa ‘yung kanilang tinutuluyan,” sabi ni Tubiera.

Itinanggi ng suspek na sinaksak niya ang biktima.

“Hindi ko po sinaksak ‘yun. May hawak siyang kutsilyo, nadulas lang ho siya. Nakahawak ang kutsilyo niya rito kasi nga tinuruan niya ‘yung anak kong magnakaw. Ngayon kokomprontahin ko siya. Akala siguro makikipag-away ako sa kaniya,” sabi ng suspek.

Tungkol naman sa nabanggit ng pulisya na motibo, “Hindi totoo ‘yun,” sabi ng suspek, na mahaharap sa reklamong frustrated murder. —Jamil Santos/VBL GMA News