Isa na namang insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan ang nangyari sa Ateneo de Zamboanga, na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang ang shooter. Anu-ano nga ba ang mga dapat gawin ng mga estudyante kapag may active shooter sa loob ng paaralan? Alamin ang payo ng isang eksperto.

Sa programang Unang Hirit nitong Miyerkoles, ipinaliwanag ni Martin Aguda Jr., certified emergency manager, na unang survival technique ang umalis sa paningin ng shooter sa pamamagitan ng pagtakbo, lalo kapag nakasalubong ito sa hallway.

Kapag naman may tiyansang pumasok sa isang classroom at magtago, agad itong gawin.

Dagdag niya, iwasang magpatay-patayan dahil maaaring puntiryahin ka muli.

“Ang first talaga, get out of the line of sight ng shooter o ‘yung perpetrator natin. Never play dead. Kasi alam naman ng perpetrator na hindi pa siya napipin-down, so puwede siyang i-target pa rin,” sabi ni Aguda.

Ngunit kapag nasa hallway na at wala nang tiyansang mag-evacuate, dito na papasok ang “hide” sa “run/hide/fight” na mga gagawin, o tinatawag ding “lockdown” procedure.

Mainam na i-lock ang pinto at barikadahan ng mga estudyante ng mga upuan, patayin ang ilaw at magtago.

“So itong procedure na ito, ang tawag dito time barrier concept kung saan 'yung perpetrator hindi na siya magpupumilit pumasok pagka na-detect niya or na-sense niya na wala naman palang tao doon sa loob ng classroom,” sabi ni Aguda.

Patayin ang cellphone hangga’t maaari, pero kung may tiyansa, tumawag ng tulong at mag-report sa mga awtoridad o emergency number ng paaralan.

Ipinaliwanag din ni Aguda ang konsepto ng “cover and concealment,” o magtago sa puwesto na makaseseguro ng kaligtasan.

“Kasi pagka 'yung pinto ay kahoy, puwedeng tumagos ang bala doon. So ang tawag doon, naka-conceal ka lang. Pero ‘pag sinabing cover, ito ay semento, kongkreto, na hindi puwedeng tumagos ang bala. So dapat importante rin, nandito ka sa semento, magtago,” paalala niya.

Pagdating sa pagdepensa ng sarili, kung saan nagpumilit nang pumasok ang attacker o active shooter, maaaring i-swarm o kuyugin ang attacker, depende sa edad ng mga estudyante.

Maaaring gamitan ng upuan ang shooter para ma-incapacitate ito.

“But siyempre napaka-importante dito 'yung dedikasyon natin na talagang dapat magawa natin ito para ma-subdue natin 'yung attacker o buo 'yung loob natin para gawin ito as a last resort,” pagdiin niya.

Kapag naka-lockdown, hintayin ang pagkatok ng law enforcement o mga pulis na senyales na maaari nang lumabas.

“‘Pag dumating ang law enforcement, ang importante sundin natin ‘yung kanilang utos. Kasi maaaring humalo ‘yung perpetrator doon sa crowd, sa mga estudyante,” sabi ni Aguda.

“So ‘pag sinabing taas ang kamay habang nag-evacuate, sundin natin. So ang tinuturo ngayon is once they evacuate, nakataas 'yung kamay nila until such time na maka-reach sila sa evacuation area. At wala tayong gagawa ng ibang action na taliwas doon sa sinasabi ng ating kapulisan,” dagdag niya. – FRJ GMA News