Nagluluksa ang aktres na si Sue Ramirez sa pagpanaw ng kaniyang ina na si Concepcion “Chit” Dodd, nitong Lunes, Agosto 17.

Sa isang Instagram Story na nawala na, ibinahagi ng aktres ang isang larawan nilang mag-ina.

"Mahal na mahal na mahal kita," saadni Sue na may kasamang white heart.

Makikita naman ang aktres sa loob ng sasakyan habang umuulan sa isa pang Story.

"Kasabay kong umiyak ang langit," caption ni Sue na may broken heart emoji.

Nagbahagi rin ng tribute sa Facebook ang dating nobyo ni Sue na si Javi Benitez, na kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Negros Occidental.

Ibinahagi ni Javi ang screenshot ng isang mensahe ni Chit na makikita siyang may hawak na bouquet ng mga bulaklak.

"This is how I will remember Mommy Chit... flowers in her arms, that radiant smile, beautiful and completely herself," saad ng mambabatas.

"Make no mistake, she was not soft. She had strong opinions and stronger principles, and she fought for the Filipino worker like it was personal. So when she smiled at you like this, you knew you mattered," ayon pa kay Javi.

Sinabi rin ni Javi na binibigyan niya si Chit ng mga bulaklak sa tuwing may pagkakataon. Nagpaabot din siya ng pakikiramay at panalangin para sa mga naulilang mahal sa buhay ni Chit.

Isang labor leader si Chit at nagsilbi bilang Vice President ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), isang pederasyon ng mga unyon ng mga manggagawa sa Pilipinas na nagtataguyod ng mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.

Noong Enero, nanawagan si Sue ng blood donor para sa kaniyang ina na sasailalim noon sa open-heart surgery, ayon sa ulat ng GMA Entertainment. Nagkaroon din ng pneumonia si Chit bago ang kaniyang operasyon.

Pagkaraan ng isang linggo, sinabi ni Sue na natapos na ang operasyon ng kanyang ina at nagpapagaling na ito. Patuloy rin siyang humiling ng mga panalangin para sa kanyang ina.—Nika Roque/FRJ GMA News