Nasawi ang isang 26-anyos na babae na tumatawid sa kalsada matapos siyang mabundol at magulungan ng isang trailer truck sa Cagayan de Oro City nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 19, 2026.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao, sinabi ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO), na papasok sa trabaho ang biktima na isang guidance counselor sa isang unibersidad nang mangyari ang trahediya sa Barangay 22.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima, na ayon kay TEU-COCPO Deputy Chief Capt. Joshua Abrasaldo, ay mismong katawan ng babae ang nagulungan ng truck.

Ayon sa may-ari ng bahay na inuupahan ng biktima, karaniwang naglalakad lang ang babae kapag papunta sa trabaho tuwing umaga..

Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang driver ng truck at maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Idinahilan umano ng driver ng truck na hindi niya napansin ang biktima.

Kaya nagpaalala si Abrasaldo sa mga tumatawid na maging mas maingat lalo na kung malapit sa malalaking truck. Maaaring umanong mapuwesto ang tumatawid sa blind spot ng driver, o hindi nakikita.

Makabubuti rin umanong itaas ang kamay kung dadaan sa harapan ng truck upang makita sila ng driver. – FRJ GMA News