Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Davao City nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 19, 2026.

Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao, inihayag ng saksi na kabababa lang biktima sa kaniyang pickup truck nang pagbabarilin siya ng mga salarin.

Naganap ang krimen sa harap ng isang steel fabrication shop sa gilid ng national highway sa Kanto Puan dakong 9:00 am.

Isinakay ang biktima sa kaniyang pickup truck nang dalhin sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival.

Ayon sa isang saksi, bumaba ng pickup truck ang biktima naglalakad patungo sa likuran ng sasakyan nang pagbabarilin ito ng ilang beses ng mga suspek na kaagad ding tumakas sakay ng motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.—FRJ GMA News