Laking gulat at pagtataka ng isang mangingisda nang may mahukay siyang bilog na bagay na kulay-tanso at may nakaukit na mga detalye sa San Teodoro, Oriental Mindoro. Hinala niya, isa itong antigong celestial globe na mula pa sa ika-17 siglo na aabot sa milyong piso ang halaga. Bumaliktad na kaya ang mundo niya at mahango sa kahirapan? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang mangingisdang si Joriel Rivas na taga-San Teodoro, na bukod sa hirap sa buhay, wala rin siyang trabaho at nagkasakit pa ng goiter.
Ngunit kamakailan, may nahukay siyang bilog na bagay na gawa sa tanso habang nagtatabas ng damo sa gilid ng kalsada.
Inakala ng ibang kasamahan ni Joriel na bola lamang ang kaniyang napulot, ngunit kutob ng kaniyang kasamahan na si Rosini Bañarez, ginto ito.
Agad itong iniuwi ni Joriel, na nakita ng kaniyang kinakasama na si Maribeth Baculo. Pagka-search niya sa internet gamit ang kaniyang cellphone, lumabas na isa itong 17th century, celestial globe.
May dalawa rin itong butas na posibleng pinaglalagyan ng gamit upang umikot. May bigat itong 918 grams nang timbangin.
Sa celestial globe, sa halip na mga kontinente at bansa ang makikita, posisyon ng mga bituin, constellations at iba pang bagay sa kalangitan na makikita mula sa planeta ang nakaukit sa celestial globe.
Tila kagaya ito sa hawak ni Joriel, na may mga hugis at guhit na nakaukit na sumisimbolo ‘di umano sa mga bituin.
Mas lumakas pa ang kanilang kutob na celestial globe ito nang mapansin nila ang ilan sa mga nakaukit na salitang Arabic, na ginagamit para matukoy ang mga bituin at buwan.
Mula nang mapulot daw ni Joriel ang globo, sinuwerte silang mag-partner nang makasali sila sa sahod sa bigas at sa 4Ps. Tila gumaan din daw ang pakiramdam niya mula sa kaniyang sakit na goiter.
May ilan daw na nag-alok sa kaniya na bilhin ang globo sa halagang P5,000, ngunit tumanggi siya dahil sa paniwala na may mag-aalok sa kaniya ng mas mataas pang presyo.
Base rin sa nakita nila sa internet, nasa P2 milyon umano ang presyo ng kaniyang napulot.
Tunghayan sa video ng KMJS ang pagluwas nina Joriel at Maribeth sa Maynila para ipasuri sa isang Pinoy picker at isang historian ang globo. Totoo nga kayang antigo ito na mula pa sa ika-17 siglo, at milyong piso ang halaga? Alamin ang mga kasagutan. Panoorin. –FRJ GMA News
