Ipinakita ng Strong Group Pilipinas ang kanilang lakas sa 2026 Jones Cup matapos talunin ang Chinese Taipei Blue, 117-74, nitong Huwebes sa New Taipei City.
Umariba ang koponan ng Pilipinas sa ikalawang quarter at nagtapos ng first half na may 54-34 na kalamangan. Lalo pang inilampaso ng SG ang kalaban sa ikatlong yugto matapos na pumuntos ng 38 habang nilimitahan lang sa 14 na puntos ang Chinese Taipei.
Sinubukan ng Chinese Taipei na makabawi sa fourth quarter, ngunit napigilan ng Strong Group ang kanilang paghabol at tuluyang nakuha ang panalo.
Nanguna si Isaiah Piñeiro na may 22 puntos, 13 rebounds, at limang assists, habang nagtala si Remy Martin ng 19 puntos. May 18 puntos naman si Matthew Wright, habang nagdagdag si Titing Manalili ng 13 puntos. Samantala, nagtala si Boban Marjanovic ng 12 puntos, anim na rebounds, tatlong blocks, at isang steal.
Dahil sa panalo, nagtapos ang Strong Group sa kanilang group stage na may 5-1 record, sapat para sa ikalawang puwesto sa Group A, kasunod ng Wonju DB ng Korea.
Bumagsak naman ang record ng Chinese Taipei sa group stage na 1-5, o isa lang ang panalo.
Subalit dahil sa probisyon na nagbibigay ng garantisadong puwesto sa semifinals sa host country ng torneo, ang Chinese Taipei Blue ang uusad sa semis. Habang maglalaro na lamang ang Strong Group sa fifth-place kontra sa Jordan. —FRJ GMA News

