Plano ni Bianca Umali na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral, na kaniyang ipinaalam sa isang episode ng “i-Listen” na host si Kara David.
Sa podcast, ibinahagi ni Bianca na pinili niyang unahin na muna ang pag-aaral ng kaniyang pinsan na si Samantha kaysa sa kaniyang sarili.
Pero ngayon na nagtapos na si Samantha, sinabi ni Bianca na siya naman ngayon ang may pagkakataon na mag-aral.
“I have two choices. Either I go to a design school for interior design, or I’m also looking into a big university. Pero hindi pa po ako decided sa kung ano talaga, but yes, I’m excited to study,” sabi ng aktres.
Tungkol naman sa dahilan kung bakit niya tinulungan niya sa pag-aaral ang kaniyang pinsan, sinabi ni Bianca na paraan din iyon ng tinatawag na “pay it forward” na paraan ng kaniyang pasasalamat sa kaniyang lola.
Sinabi ni Bianca na kung sapat lang ang kaniyang kakayahan na sabay silang mag-aral ng kaniyang pinsan ay gagawin niya. Subalit aminado siya na may kamahalan ang pag-aaral ngayon.
Naniniwala rin si Bianca na hindi kailanman magiging huli para sa kahit sino ang mag-aral,
Nagtapos si Bianca sa senior high school noong 2019.
Lumaki ang aktres sa kaniyang Lola Vicky nang maging ulila siya sa kaniyang ina noong limang-taong-gulang lang siya, at sumunod naman ang kaniyang ama, pagkaraan ng limang taon.
Boses ni Bianca ang madidinig kay “Ella Arcangel,” ang upcoming animated film na Ella Arcangel din ang titulo. —Carby Rose Basina/FRJ GMA News
