Tinatayang mahigit P292 milyon na halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang container na dumating sa bansa at idineklarang 'talc stones' na nanggaling sa Afghanistan.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing umaabot sa 43 kilograms ang timbang na mga nakumpisang shabu na nasabat ng pinasanib ng puwesa ng Bureau Of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency sa Manila International Container Port sa Maynila.

Nakalagay ang kargamento sa loob ng dalawang 20 footer container na idineklarang naglalaman ng talc stones.

Ngunit nang suriin ng mga kinauukulan, nakita sa loob ang mga fabric pouch na pinahiran ng materyal na mukhang Plaster of Paris, at pinagmukhang mga puting bato gaya ng talc stones.

Nakumpirma umano sa isinagawang laboratory test na shabu ang laman ng mga supot na kargamento.

Inihayag ng BOC naging daan sa pagkakadiskubre ng ilegal na droga ang mahigpit umanong risk profiling at monitoring sa mga high risk shipment. – FRJ GMA News