Mapapanood na sa GMA Network ang talk show ni Vice Ganda na "Gandang Gabi Vice" sa Setyembre. Sinu-sinong kayang Kapuso stars ang nais niyang maging bisita? Alamin.
Ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ang pagpapalabas sa GMA Network “Gandang Gabi Vice” ay ang panibagong collaboration ng GMA Network at ABS-CBN.
“Super, super excited (ako). Dinasal ko ito, winish ko. Hiniling ko ito. When I had the chance to talk to Ma'am Annette and the ABS management, tinanong nila anong gusto mong show ba? Nung meeting ko sa GMA ang sinabi ko GGV ang gusto ko,” kuwento ni Vice.
Excited din si Vice na magkaroon ng mas malawak na audience at pagkakataong makapag-imbita ng mga Kapuso star sa kaniyang programa.
"Ang pinaka-nakaka-excite yung mga Kapuso star na gusto kong maiinterviewin at makasama sa show ko posibleng-posible na. Tapos marami rin akong GMA stars na nakausap na gusto rin nilang magkaroon ng GGV experience. So ito na, hindi na siya imposibleng mangyari,” saad niya.
Kabilang sa mga Kapuso stars na gusto ni Vice na maimbitahan sa kaniyang programa ay sina Michael V., Marian Rivera, at Alden Richards.
Sa mga bagong episode at panibagong hanay ng mga posibleng guest, sinabi ni Vice na excited siyang bumalik sa trabahong nakakapagod para sa kaniya ngunit nagbibigay naman ng kasiyahan at fulfillment.
"Tumaas ulit yung energy ko, gusto kong mapagod ulit dito sa GGV. Ito yung pagod na gusto ko,” sabi ni Vice. "Ang ganda ng nararamdaman ko ngayon."
Mapapanood ang "Gandang Gabi Vice" sa GMA simula sa darating na Setyembre. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
