Apat katao—kabilang ang isang bata—ang nasawi matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Barangay 107 sa Pasay City nitong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Athena Imperial ng GMA News, sinabing sumiklab ang sunog dakong 1:00 pm at mabilis na kumalat sa mga kabahayan na gawa sa light materials, at umabot sa katabing barangay na 106.

Nang maapula ang sunog dakong 4:00 pm, nakuha ang dalawang bangkay na magkayakap at hinihinalang ang 3-taong-gulang na bata ang isa.

Ayon sa mga residente, sumabog na tangke ang pinaniniwalaang pinagmulan ng apoy.

Sa hiwalay na ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB, sinabing tatlong bangkay na ang nakita kabilang ang magkayakap na mga biktima.

Naging pahirapan umano ang pagkuha ng mga bumbero sa mga katawan ng biktima dahil gumuho ang ikalawang palapag ng isang bahay.

Dahil dito, kinailangan ng mga bumbero na maghukay at alamin kung saan huling nakita ang mga biktima.

Batay sa mga paunang impormasyon, bukod sa bata, kabilang sa mga nawawala ang mag-asawang senior citizen, at isa pang adult na babae.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa dahilan ng apoy at tinatayang nasa 20 pamilya ang apektado sunog.

FRJ GMA News