Patay na nang matagpuan sa loob ng isang nakaparadang sasakyan ang isang 31-anyos na ginang at dalawa niyang anak na edad siyam at apat sa isang liblib na lugar sa Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News’ Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng mga opisyal ng barangay na nakatanggap sila ng tawag dakong 2 p.m. nitong Huwebes tungkol sa naparadang sasakyan.
Nang puntahan nila at suriin, nakita ang mag-iina sa loob na wala nang buhay.
Nagsagawa kaagad ng case conference ang pulisya sa San Rafael Municipal Police Station nitong Huwebes ng gabi na bahagi ng isasagawang imbestigasyon.
Inimbitahan din ng pulisya ang kapatid ng nasawing ginang. Habang wala namang ibinigay na detalye ang awtoridad tungkol sa asawa ng ginang at ama ng mga bata.
Hinala ng mga taga-barangay, iniwan ang sasakyan sa lugar noong Miyerkules ng gabi.
Planong lagyan ng dagdag na ilaw ang lugar na daanan din ng mga residente para sa kanilang mga alagang hayop.
Nitong Biyernes ng umaga, bumalik ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar kung nasaan ang sasakyan para ipagpatuloy ang pagproseso sa crime scene.
Sinabi naman ni San Rafael Vice Mayor Edison Veneracion na magbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga kaanak ng biktima.
Ayon sa mga kaanak, iuuwi ang mga labi ng mag-iina sa kanilang tahanan sa Angat, Bulacan.
Wala pang ibang detalyeng inilalabas ang pulisya sa dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.—FRJ GMA News
