Isang baril ang nakita sa loob ng bag ng isang 14-anyos na estudyante sa Lut-od National High School sa Pinamungajan, Cebu nitong Huwebes, ayon sa provincial police.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ng Cebu Police Provincial Office na natagpuan ang .357 Smith & Wesson Magnum revolver na walang bala dakong 3:50 pm matapos magsagawa ng biglaang inspeksyon sa mga bag ang isang guro.
“Initial investigation disclosed that the firearm allegedly belonged to the minor’s grandfather and had been kept inside a cabinet at their residence in Purok Santol, Barangay Lut-od,” ayon sa pulisya.
“The minor reportedly took the firearm from the cabinet and brought it to school on August 20,” dagdag nito.
Ayon sa pulisya, nasa pangangalaga ng mga lolo at lola ang bata dahil nagtatrabaho sa labas ng bayan ang kaniyang mga magulang.
Dahil menor de edad, ibinigay ang estudyante sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office. Isinasagawa ang nararapat na intervention para sa kaniya, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Cebu Police Provincial Office director Police Colonel Abubakar Udang Mangelen Jr., na ipinapakita sa naturang pangyayari ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag at pagpapatupad ng mga proactive na hakbang para sa kaligtasan sa loob ng mga paaralan.
“We commend the school personnel for immediately reporting the discovery and seeking police assistance. Their prompt action helped ensure that the situation was contained before it could potentially lead to harm,” dagdag niya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa insidente. — FRJ GMA News

