Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang gahasain at ibahay umano ang kaniyang chatmate na 12 anyos lang sa Pasay. Ang suspek, dumepensang hindi niya alam na menor de edad ang kaniyang kausap.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang pagbaba ng ilang tao mula sa sasakyan ng DSWD Taguig sa tapat ng Barangay 165, Pasay City pasado 1 p.m. ng Biyernes.
Isang 30-anyos na lalaking nakaputi at nakaposas sa mga kamay ang nakunan din at dinala sa barangay hall.
Sinabi ng barangay na residente nila ang lalaking nakaposas, na hinuli nila matapos ang pang-aabuso nito sa menor de edad.
“Tatlong araw na hindi umuwi ang bata kaya nag-worry ang mga magulang at hinanap niya ang kaniyang mga anak. At noong mga pagkakataon na iyon, bale nagchat ‘yung bata doon sa magulang at sinabi kung saan siya nandoon,” sabi ni Chairman Larry De Castro ng Barangay 165.
Agad humingi ng tulong ang magulang ng bata at nakipagkita sila sa isang convenience store kung saan dinakip ang suspek.
Lumabas sa imbestigasyon ng barangay na inakala ng suspek na nasa hustong gulang na ang biktima.
“Nagpakilala raw po ‘yung bata na 18 years old pero hindi po alam ng suspek na ‘yung bata pala ay 12 years old lang dahil malaking bulas po 'yung bata. Hindi po namin inakala na menor de edad 'yung bata dahil may mga gano’ng pangyayari. Kung alam din po lang namin. Dapat barangay na po mismo ang umaksyon para maawat po 'yung ganong pangyayari,” sabi ni De Castro.
Lumabas sa imbestigasyon ng Pasay City Police Station na Agosto 18 nang makipagkita sa suspek ang biktima, saka sila nag-check-in sa isang hotel sa Pasay City.
Matapos nito, iniuwi ng suspek sa kanilang bahay ang menor de edad na biktima.
Depensa ng pamilya ng suspek, hindi nito ginahasa ang biktima.
“Kinaumagahan nag-e-bike ‘yung anak ko eh. Kasama pa po ‘yung bata eh. Puwede siyang sumigaw anytime. Kahit sa loob ng motel, kung nag-ano sila, puwede siyang magsalita roon. Kaya po walang katotohanan na sinasabi na pinuwersa ‘yung anak nila,” sabi ni alyas “Abet,” ama ng suspek.
Sinubukan na umano ng pamilya ng suspek na makipag-areglo sa pamilya ng biktima pero desidido silang ituloy ang reklamo.
Nasa kustodiya na ng Pasay City Police Station ang suspek na sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 11648.
Sinusubukan pa ng GMA News na makunan ng pahayag ang pamilya ng biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News
